Pulis na walang bakuna aalisin sa Quarantine Control Points – PNP
MANILA, Philippines — Hindi na itatalaga sa mga Quarantine Control Points ang mga pulis na hindi bakunado.
Ito ang binigyan diin ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos dahil kailangan pa ring magpatuloy sa pagtatrabaho ang mga pulis na ayaw magpabakuna.
Ayon kay Carlos, kailangan nilang isagawa ang reassignment ng mga ito sa ‘low risk” upang makapagtrabaho na hindi nae-expose sa COVID-19.
Sinabi ni Carlos na hindi niya hahayaan na ang mga unvaccinated personnel ay “excused” sa trabaho dahil tuloy pa rin ang kanilang mga sahod. Maaaring ilagay ang mga ito sa administratrive work.
Ginagawan nila ng paraan ang polisiya na inilabas ng Inter Agency Task Force na “no jabs, no work policy.”
Samantala, nilinaw ng PNP chief na hindi makakaapekto ang vaccination status sa promotion ng isang police officer.
Lumilitaw sa datos ng PNP Health Service, halos lahat ng mga pulis ay bakunado na, maliban na lang sa 1,771 o 0.79 percent na tauhan.
Nasa 299 sa mga ito ay ayaw magpabakuna dahil sa medical reason, 194 dahil sa allergies, 393 mga buntis habang 63 ang lactating mothers, at 69 dahil sa religious belief.
Nasa 212,080 personnel o 93.98% sa buong police force ang fully vaccinated, habang 11,788 or 5.22% ang nakatanggap na ng first dose.
- Latest