National Vaccination pinalawig hanggang Disyembre 3
9 milyong target bigong maabot
MANILA, Philippines — Bigong maabot ng pamahalaan ang target na siyam na milyong indibiduwal na mababakunahan sa National Vaccination Day makaraang higit 7.6 milyon lamang ang kanilang naturukan sa loob ng tatlong araw.
Dahil dito, nagdesisyon ang pamahalaan na palawigin ang National Vaccination Day mula sa orihinal na petsa na Nobyembre 29-Disyembre 1 na ngayon ay aabot na hanggang ngayong Disyembre 3.
Ang ekstensyon ay base sa advisory na pirmado nina Department of Health Secretary Francisco Duque III; Sec. Carlito Galvez Jr, chief implementer ng National Task Force (NTF) Against COVID-19; at Sec. Vince Dizon, presidential adviser on COVID-19 response.
Sa ulat ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nasa 2.7 milyong indibiduwal ang nabakunahan nitong Nobyembre 29, nasa 2.4 milyon nitong Nobyembre 30, at 2.4 milyon pa nitong Disyembre 1.
Sa 7.6 milyon, nasa 85 porsyento nito ay mga unang dose, 3 porsyento ang booster doses, habang ang nalalabi ay mga minors at mga tumanggap ng ikalawang dose.
Pinakamataas ang ‘vaccination rate’ ng Region IV-A, Region III, at Region VII habang nalagpasan ang kanilang target ng Region I, National Capital Region, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, at Region II.
“In terms of the top performing provinces naman: Nauna po ang Cavite; pumangalawa ang Laguna; pangatlo ang Cebu Province,” dagdag ni Cabotaje.
Pinakamababa ang vaccination rate sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Davao Region.— Malou Escudero
- Latest