Pinakamaliit na COVID-19 'active cases' sa lagpas 8 buwan naitala sa Pilipinas
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,087 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Lunes, kung kaya't nasa 2,805,294 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 2,805,294
- Nagpapagaling pa: 32,077, o 1.1% ng total infections
- Kagagaling lang: 3,510, dahilan para maging 2,728,696 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 91, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 44,521
Unang 'Kappa' variant
-
Ngayong araw naitala ang pinakamababang bilang ng COVID-19 cases na patuloy na nagpapagaling sa Pilipinas (32,077) sa lagpas walong buwan. Huling mas mababa ang active cases sa bansa noong ika-1 ng Marso (31,708) — araw kung kailan sinimulan ang COVID-19 vaccinations.
-
Nagkasundo na raw ang mga alkalde ng Metro Manila na pormal na irekomenda sa IATF ang tuluyang pagtatanggal ng face shield requirement sa mga pampublikong lugar maliban sa ilang "critical areas" gaya ng mga ospital, pampublikong transportasyon atbp.
-
Kaugnay niyan, nilagdaan ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang isang executive order na nagsasabing non-mandatory na ang face shields sa ibabaw ng face masks maliban sa mga medical facilities. Gayunpaman, pinalagan ito ng DOH dahil wala pang IATF resolution na nagpapahintulot dito.
-
Nadagdagan pa ng 651 kaso ng mas nakahahawang COVID-19 Delta variant ang naitala sa Pilipinas, ayon sa patuloy na biosurveillance ng Philippine Genome Center. Sumatutal, 5,982 na ang Delta variant cases na na-record sa Pilipinas.
-
Samantala, natuklasan naman ang unang B.1.617.1 variant sa isang 32-anyos na lalaki sa Floridablanca, Pampanga. Ito ang unang kaso ng dating "Kappa variant" sa Pilipinas, bagay na isang variant under monitoring na lang matapos i-downgrade ng World Health Organization (WHO) ang klasipikasyon nito.
-
Umabot na sa 29.47 milyon ang nakakukumpleto ng COVID-19 vaccine doses sa Pilipinas. Bahagi lang 'yan, 64.19 milyong gamot na naituturok na sa bansa sa ngayon.
-
Sumampa na sa 248.46 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng WHO. Sa bilang na 'yan, patay na ang 5.02 milyong katao.
— James Relativo
- Latest