COVID-19 '4th wave' posible kung pagluluwag, 100% PUV capacity mamadaliin — mga doktor

Passengers pictured at Tandang Sora Jeep Terminal in Visayas Avenue, Quezon City on Oct. 19, 2021. The Department of Transportation is pushing for an increase in passenger capacity of public utility vehicles following the downgrading of Metro Manila's COVID-19 alert level from 4 to 3.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nababahala ang isang medical group sa planong pagbabalik ng dami ng sakay ng mga pampasaherong sasakyan sa pre-pandemic levels sasakyan sa punong rehiyong, bagay na maaari raw magbunsod uli ng pagsipa sa COVID-19 cases kung mamadaliin.

Inirerekomenda kasi ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na ibalik sa 100% capacity ang mga pampublikong transportasyon, kung saan Metro Manila ang gagawing lugar ng "pilot implementation."

"Medyo nakakapangamba pa po 'yun, 'yung sinasabi po na mabilisan na gagawin hong 100% [capacity sa transportasyon]," wika ni Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians, sa panayam ng Teleradyo ngayong Huwebes.

"Although naiintindihan ho namin yung kanilang sinasabi, ‘no, yung kanilang mungkahi at yung plano dahil sa bumababa nga po yung ating COVID-19 cases."

Una nang sinabi ng DOTr na "oversimplification" na ang mahigpit na physical distancing rules na siyang ibinatay sa "outdated science" at karanasan sa mga dating virus.

Lumalabas daw kasi sa isang 2020 study ng US National Center for Biotechnology Information na "moderate" at "hindi nailagay sa significantly higher risk" ang mga pasaherong sumasakay sa mga high-risk zones (mga umuupo sa parehong row ng infected passenger at within three rows).

"Studies have shown that reliance on complete face mask use and partial hand sanitizer use were proven enough to contain three very modest COVID-19 waves while preserving normal bus services," paliwanag ng DOTr.

"Rigid safe distancing rules are an oversimplification based on outdated science and experiences of past viruses."

Nangangahuligan din daw ang increased passenger capacity ng mataaas na kita para sa public transport sector, na mapakikinabangan sa gitna ng papataas na presyo ng langis.

Bagama't 3,218 lang ang naidagdag na bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Miyerkules, paalala ni Limpin na palatandaan ito na nariyan pa rin ang virus.

Kamakailan lang nang ituring ng Bloomberg ang Pilipinas bilang "worst place to be" sa gitna ng COVID-19 pandemic, kahit na papaonti na ang mga kaso ng bansa.

'Fourth wave' at pagtaas ng global trend

Sa kabila nito, idiniin ni Limpin na tumatalon ngayon ang trend ng COVID-19 cases sa mundo sa kasalukuyan — kahit sa first world. At sa tuwing tumataas ito, madalas na sumusunod raw ang Pilipinas.

"So intindihin ho natin, maski ho sa [United Kingdom] ‘no, eh dumadami na rin po ang kaso nila, at d'yan nakakakita po nung mutation po nung Delta variant," saad pa niya.

"[H]indi lang 100% capacity sa transportation kundi naka-open na rin po yung borders natin ano, so, the possibility na may pumasok ho dito po, 'yang mga mutant na yan ng Delta variant eh napakataas."

"So I think we just really have to brace ourselves for a possible fourth wave kung masyado ho tayong magiging mabilis ‘no doon sa mga pagluluwag ho natin."

Kung titignan ang datos ng new COVID-19 cases sa Europa, kapansin-pansing 19.42% ang naging "weekly change" sa mga kaso nitong nakaraang linggo — mas mataas sa 12.5% pitong linggo bago 'yan, ayon sa World Health Organization.

Umabot na sa 2.76 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa ngayon, ayon sa datos ng Department of Health nitong MIyerkules. Sa bilang na 'yan, patay na ang 42,077.

Show comments