Tsismis lang na tatakbo akong running mate ni BBM – Sara

MANILA, Philippines — Tsismis at intriga lamang umano ang napaulat na tatakbo siya bilang running mate ni dating Senador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong“ Marcos Jr. kaugnay ng gaganaping May 2022 national elections.

Ito ang mariing pag-alma at pagpapasubali ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa isinulat ng kolum­nistang si Ramon Tulfo na nagbigay ng espekulasyon na kakandidato siyang ka-tandem ni Marcos upang madismaya umano si vice presidential aspirant Sen. Christopher “Bong” Go.

“Sa buhay ninyo huwag niyo hayaan na kayo ay bastusin dahil sa edad, kasarian o paniniwala. Wag niyo payagan na kayo ay Tulfohin,” pahayag ni Mayor Inday Sara sa kaniyang Facebook account.

Ang espekulasyon na tatakbong running mate ni Bongbong si Sara ay matapos magkita ang dalawa sa Cebu City.

Nabatid na ikinagalit ni Mayor Sara na lumabas sa kolum ang espekulasyon na hindi na siya hahabol sa presidential race at posibleng kumandidato na lamang na ka-tandem ni Marcos.

“Sa aking karera sa pulitika marami na ako nakasalamuha na lalaki na tulad ni Tulfo, ‘yung paningin sa mga babae ay hindi nag-iisip at ibinabase ang galaw at pananalita sa nararamdaman lamang. Mga lalaking bastos at mapanghusga,” sabi pa ni Sara.

Sa panuntunan ng Comelec may hanggang ­No­byembre 15 pa ang mga partido pulitikal na umatras at magpalit ng pambatong kandidato.

Show comments