Pacquiao ikinokonsiderang VP ni BBM

MANILA, Philippines — Ikinokonsidera ng kampo ni Presidential aspirant Bongbong Marcos na ma­ging running mate si vice presidential bet Sen. Manny Pacquiao sakaling magdesisyon ang huli na bumaba sa vice president.

Sinabi ni Sen. Imee Marcos na nais nila na mula sa Visayas o Mindanao ang kukuning running mate para sa 2022 national elections.

Ayon kay Imee, patuloy pa rin naghahanap ng vice-presidential candidate ang kanyang kapatid at mas gusto nila na magmula ito sa Visayas o Mindanao dahil hindi nila kabisado ang nasabing rehiyon.

Idinagdag pa ni Marcos na sa Visayas at Mindanao ay doon din umano nagkakaroon ng madyikan sa resulta ng eleksyon.

Opsyon umano nila ito dahil si Pacquiao ay taga Mindanao rin, sikat at kaibigan din naman nila kahit na pumipitik laban sa kanila na naiintindihan naman nila dahil panahon ng eleksyon.

Samantala, tila sinopla naman ni Pacquiao ang kampo ni Bongbong.

Sinabi ni Pacquiao na bagama’t na-touched siya at “extremely honored” ay tuloy pa rin ang laban niya sa pagka Pangulo para sa pagbabago at para sugpuin ang korapsyon na lumalala sa bansa.

Nangako rin ang Senador na hindi niya bibiguin ang taumbayan.

“Ilang taon na ako sa public service both sa local at national levels. Nakita ko first hand ang mga problema ng bansa kahit naging kaibigan natin ang mga Presidente, vice president at local officials ay malaki ang agwat ng mayaman at mga mahihirap dahil sa mga policy na ipinapatupad,”ayon pa kay Pacquiao.

Ito na umano ang panahon para maipanalo ang mahihirap sa susunod na national at local elections.

Si Pacquiao ay tumatakbong presidente kung saan si House Deputy Speaker Lito Atienza ang kanyang running mate

Show comments