3.4 milyong seniors ‘di pa nababakunahan
MANILA, Philippines — Umaabot pa sa 3.4 miyong senior citizens sa bansa ang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Dahil dito, iminungkahi ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa pamahalaan na idiretso na sa mga bahay ng mga senior citizens ang bakuna para maturukan na ang mga ito at maging ang kanilang mga kasama sa mga bahay.
Ayon sa World Health Organization (WHO), pinakamaraming unvaccinated Pinoy seniors sa Central Luzon, Southern Tagalog Region, at Central Visayas.
“Hagilapin, tuntunin ang mga seniors na unvaccinated pa rin. I-house-to-house na. Hindi para pwersahin, kundi para mahinahong kumbinsihin. Dapat mabakunahan, kung hindi man sila mismo, kahit yun man lang lahat ng tagapag-alaga at nakapaligid sa kanila,” apela pa ni Ordanes.
Sinabi ng solon na nauunawaan niya ang kapwa niya mga seniors na nag-aalangang magpabakuna dahilan kahit kaunting lagnat ay kanila ng iniinda.
Pero nais niyang ipabatid sa mga kapwa niya seniors na anumang “side effects” ng bakuna gaya ng panghihina o kaunting lagnat ay panandalian lang naman at lilipas din.
Aniya, ang importante ay maproteksyunan ang lahat ng mga senior citizens laban sa nakamamatay na virus.
- Latest