Oras, araw ng voter’s registration pinahaba
MANILA, Philippines — Dinagdagan ng dalawang oras ang pagpaparehistro ng mga botante tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes at maaari pa ring magpatala hanggang Sabado sa National Capital Region (NCR) at ilang piling lugar sa bansa.
Sa advisory na inilabas ng Commission on Elections (Comelec), ang dating 8am-5pm kapag Lunes hanggang Biyernes ay magiging hanggang alas-7:00 ng gabi ang voters registration sa NCR.
Maging araw ng Sabado ay bukas din ang Comelec subalit hanggang alas-5 ng hapon lang na magsisimula din ng alas-8 ng umaga sa Metro Manila.
Bukod naman sa NCR, ilan pa sa mga lugar kung saan ipaiiral ang pagdaragdag ng oras at araw ng pagpapatala simula nitong Oktubre 16, ay ang mga munisipalidad ng Alcala at San Quintin sa Pangasinan; Tarlac City at mga munisipalidad ng Capas at Concepcion sa Tarlac; lahat ng munisipalidad at lungsod sa Quezon Province; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; at mga lungsod ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu Province.
Samantala, ang mga lugar naman na magkakaroon na rin ng Saturday registration sa Oktubre 16 at 23, ngunit hindi naman mag-e-extend ng weekday voting hours, ay ang mga munisipalidad ng Anda, Sto. Tomas at Sual sa Pangasinan; munisipalidad ng Aringay, Balaoan at Caba sa La Union; lahat ng lungsod at munisipalidad sa Ilocos Sur; at munisipalidad ng Balatan, Bula, Cabusao, Goa, Lagonoy, Libmanan,
Magarao, Minalabac, Ragay, Sagnay, San Fernando, San Jose, Tigaon at Tinambac sa Camarines Sur.
- Latest