43K arawang kaso posible sa pagtatapos ng September - DOH
MANILA, Philippines — Malaki umano ang posibilidad na umabot sa 43,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng Setyembre 30 kung mananatili ang kasalukuyang takbo at sistema ng paglaban ng pamahalaan at publiko kontra sa virus.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaaring umabot mula 16,000 hanggang 43,000 ang arawang impeksyon base sa kasalukuyang kilos ng mga tao, sistema ng pampublikong kalusugan, at pagsunod sa ‘minimum health standards’.
Sinusugan ni Vergeire ang estima ng University of the Philippines-COVID-19 Pandemic Response Team na nagsabing aabot ang arawang kaso sa katapusan ng Setyembre o umpisa ng Oktubre mula 30,000 hanggang 40,000.
Ito ay dahil sa nananatiling mataas ang positivity rate na halos umabot sa 30%. Nangangahulugan ito na sa tatlong tests ay isa ang magpopositibo sa virus.
Ngunit ang tantiya ng DOH at UP-PRT ay ibinase pa nang umiiral pa ang dating sistema ng quarantine. Umaasa si Vergeire na maiiba pa ito sa pagpapatupad ngayon ng bagong quarantine na tututok sa pagpapatupad ng ‘granular lockdowns’ sa mga lugar na may matataas na mga kaso.
“Hopefully with what we are doing right now, with this pilot implementation, we will not reach this kind of projections,” ayon kay Vergeire.
Nitong nakaraang Sabado, naiulat ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 na naitala sa 26,303.
- Latest