Duterte kumambiyo: VFA tuloy na uli
MANILA, Philippines — Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan na i-terminate na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, isinaalang-alang ng Pangulo ang interes ng bansa sa naging desisyon na magpatuloy ang VFA.
Nauna rito, inanunsiyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang press conference kasama ang bumibisitang si US Defense Secretary Lloyd J. Austin III na binabawi na ang terminasyon ng VFA.
“The President’s decision to recall the abrogation of VFA is based on upholding the Philippines’ strategic core interests, the clear definition of Philippines-United States alliance as one between sovereign equals, and clarity of US position on its obligations and commitments under the Mutual Defense Treaty,” ani Roque.
Nag-courtesy call kay Duterte sa Malacañang si Austin, kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Roque na ipagpapatuloy pa rin ng Pilipinas ang partnership sa iba pang bansa na naaayon sa national interest.
Ang VFA ay isang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at ng America noong 1999 kung saan pinapayagan ang pagdaraos ng military exercises, counter intelligence training at humanitarian aid missions ng mga sundalo ng Amerika at Pilipinas.
Pero hindi pinapahintulutan sa VFA na sumali sa combat operations ang mga sundalong Amerikano.
Unang nagbanta si Duterte na ipababasura ang VFA matapos kanselahin ng Washington ang visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Isinulong ang terminasyon ng VFA noong Pebrero 11, 2020 pero dalawang beses itong ipinagpaliban.
- Latest