276 na halamang 'kumakain ng hayop' kinumpiska ng Customs matapos i-smuggle
MANILA, Philippines — Nasabat ang nasa 276 halamang iligal na inangkat sa Pilipinas matapos ang ikinasang operasyon ng pinagsamang lakas ng Bureau of Customs-NAIA (BOC-NAIA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Lunes.
Nabisto ang mga P150,000 halaga ng "carnivorous plants" sa Paircargo Warehouse, Pasay City matapos ang isinagawang physical examination ng 10 imported packages mula Netherlands, ayon sa ulat ng BOC, Miyerkules.
"Verification with the DENR revealed that the said plants were unlawfully imported into the country without the required Sanitary and Phytosanitary Import Clearance and CITES Permit from the said agency," ayon sa BOC kanina.
Ilan sa mga nakuhang carnivorous plants ang:
- Drosera
- Nepenthes
- Dionaea
- Sarracenia
- Pinguicula
- Cephalotus
Endangered species
Labag sa Republic Act 9147 ang pangongolekta at pakikipagpalitan ng insect-eating plants. Kilala rin ang batas na 'yan bilang Philippine Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
"Carnivorous plants have already been globally declared as critically endangered and are among the world’s rarest and most endangered plants," dagdag ng BOC.
Maliban sa paglabag sa RA 9147, magsasagawa na rin ng case build up dahil sa paglabag sa Section 1401 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Itinurn over naman na ang mga naharang na packages sa DENR para sa rehabilitasyon at pag-aalaga.
Ang mga carnivorous plants ay kilala sa pagpatay nito ng mga hayop, gaya ng mga insekto, arthropods at protozoans para makakuha ng kinakailangang nutrients. Gayunpaman, kailangan pa rin nila maarawan para makakuha ng enerhiya gamit ang photosynthesis. — James Relativo
- Latest