Gyms, fitness studios pinayagan nang magbukas sa NCR Plus
MANILA, Philippines — Sa gitna ng COVID-19 pandemic, maaari nang magbukas ang mga indoor-non-contact sports venues sa National Capital Region (NCR) Plus sa pamamagitan ng 30% venue capacity.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, kabilang sa mga indoor non-contact sports venues ay ang mga gym, fitness studios, skating rinks at racket sports courts.
Niinaw naman ni Roque na papayagan mag-operate ang mga indoor sports facilities kapag nakakuha sila ng Safety Seal Certification mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Matatandaan na isinara ang mga gym sa NCR plus simula noong ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ noong Marso 27 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bukod dito, sinabi ni Roque na pinayagan na rin ang pagbubukas ng historical sites at museums sa NCR Plus areas sa 20% venue capacity basta susunod sila sa health at safety protocols at ang local government units ang mag-aapruba sa pagbubukas nito.
Hindi naman pinapayagan ang guided tours sa mga historical sites at museums.
Inaasahan namang bubuksan na rin ang mga sinehan sa Disyembre.
Samantala, sinabi ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na higit 20,000 mula sa sektor ng indoor non-contact activity venues ang magbabalik trabaho simula sa Hunyo 16, 2021.
- Latest