Sinehan, bar bawal pa sa ‘Heightened GCQ’
MANILA, Philippines — Bawal pa ring mag-operate ang mga leisure establishments tulad ng sinehan at bar sa mga lugar ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna na isinailalim na sa heightened general community quarantine simula ngayon, May 15.
“Maraming hindi pinayagan d’yan katulad ng mga entertainment venues gaya ng bars, concert halls, cinemas, theater, bawal ‘yan. Mga recreational venues, arcades, net cafes, billiards, bawal din ‘yan. Sa amusement, parks, fairs, playgrounds, kiddie rides, bawal din. Casino, horse racing, cockfighting, bawal din,” paglilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año.
Ilan pa sa mga aktibidad na hindi pinapayagan sa ilalim ng bagong quarantine classification ang mga outdoor contact sports, games, scrimmages, indoor sports, courts at venues para sa indoor tourism, in-person meetings, conferences at exhibitions.
Pero ang mga personal care services at outdoor tourist attractions ay maaaring mag-operate ng may 30 percent capacity.
“Kung magpapagupit ka, walang tanggalan ng mask,” dagdag ng Kalihim.
Ang indoor dining sa NCR Plus ay pinapayagan ng may 20 percent venue o seating capacity habang ang outdoor o al fresco dining ay 50 percent.
Ang binyagan, kasal at libing at ibang religious services ay limitado sa 10 percent ng venue capacity.
“Ang binabantayan natin dito maiwasan ‘yung mass gathering. Maitawid natin ito hanggang dumating ang mga bakuna natin June, July, August. Maraming darating na bakuna pero bago dumating, ‘yan may period pa so kailangang itawid natin so kailangang strict implementation nitong GCQ with heightened restrictions,” sabi pa ni Año.
Samantala, ang mga authorized persons outside residence (APOR) at essential travel ang pinapayagan lamang na lumabas sa NCR Plus.
- Latest