Pandemya man, PSN laging nandyan kaya number 1
MANILA, Philippines — Tumigil ang mundo ng mga Pinoy partikular na ang mga mambabasa ng pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) sa matinding epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19 lalo na nang magpatupad ng lockdown ang gobyerno noong Marso 17, 2020.
Ang PSN, dating Ang Pilipino Ngayon (APN) na itinatag ni Ma’am Betty Go Belmonte ay sinubok na ng panahon simula ng mailimbag ito ilang buwan matapos ang makasaysayang EDSA People’s Power Revolution noong 1986 kung saan nagpatuloy ang diyaryong ito sa hamon ng panahon sa dusa, lumbay at maging sa saya’t galak ng mga Pinoy.
Ang COVID-19 na gumimbal sa buong mundo ay maituturing na pinakamatinding hamon na kinakaharap ng bansa kung saan maraming mga manggagawa ang nawalan ng trabaho at mga nagsipagsarang negosyo. Sa kabila nito, hindi sumuko ang PSN na nagpatuloy sa pagbibigay ng impormasyon sa masang Pinoy.
Sa lockdown, marami ang pinadapa ng pandemya na naging matinding hamon sa pahayagang ito pero sa kabila nito ay nanatiling pursigido o determinado na makapaghatid ng sariwang mga balita sa mga masusugid nitong tagasubaybay sa bawat sulok ng bansa sa matapang na pamamaraan na hindi inalintana ang virus sa pagbibigay ng serbisyo sa tungkuling maghatid ng mga kaganapan sa araw-araw.
Matapos ang kumpirmasyon ng mga health expert sa positibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay mabilis itong kumalat at dahilan sa tumataas kung kaya tuluyan itong isinailalim sa lockdown.
Naging napakatindi ng pagsubok, dahilan noong unang mga buwan ay walang mabiling face mask, face shield sa pagsisimula ng lockdown, pila balde sa mga grocery matapos na magpanic buying ang mga tao, mga pangyayaring bumandera sa pahayagang ito na patuloy sa pakikibaka at naging karamay lalo na ng masang Pinoy na ang pagbabasa ng mga balita ang libangan.
Samantalang wala ring masakyan matapos ipagbawal ang pagbiyahe ng mga pampublikong behikulo, kaliwa’t kanan ang checkpoint at isa lamang sa bawat pamilya ang maaaring lumabas ng bahay na may quarantine pass upang hindi magkahawaan sa COVID-19.
Sarado ang mga mall, parlor, restaurant at ang tanging bukas lamang ay ang mga supermarket, grocery at drug store. Ang mga tao ay naglalakad ng kung ilang kilometro, ang kanilang mga karanasan ay naibandera sa pahayagang ito at ilan pa ang nakunan na nalathala ang mga litrato.
Samantalang dumami rin ang bilang ng mga Pinoy na nagugutom na nakapila sa ayuda ng gobyerno na tig-P8,000 sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) fund na ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang nasabing ayuda ay pinondohan sa ilalim ng Republic Act(RA) 11469 o Bayanihan to Heal As One Act o Bayanihan 1 na isinulong sa Kongreso at pinagtibay bilang batas matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Samantalang sinundan naman ito ng RA 11494 o ang Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.
Nasa P82.5 bilyon ang inilaan ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 kung saan P 2.5 bilyon ay nasa ilalim ng pondo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) habang P10 bilyon naman ng nasabing pondo ang alokasyon sa COVID-19 vaccination program sa ilalim ng Bayanihan 2.
Sa kabila ng pandemya, nanatiling committed ang PSN sa pagbibigay-serbisyo sa pamamagitan ng paghahatid ng samu’t saring kaganapan sa Pilipinas sa panahon ng pinakamatinding krisis sa kalusugan na kinaharap ng bansa.
Nakakataba ng puso na sa kabila ng matinding hirap ng mga Pinoy ay patuloy ang mayorya ng masugid na mambabasa sa pagtangkilik sa pahayagang ito na kanilang binabasa kasabay ng paghigop ng mainit na kape at pagkain ng pandesal sa agahan.
Samantalang ngayong may COVID-19 vaccine na at nagsimula na ang rollout nito ay kaakibat ng mga Pinoy at ng mga bumubuo sa pahayagang ito na taglay ang pag-asa gayundin ang pangako ng bukas na malalagpasan ang pagsubok ng pandemya upang makaahon na ang ekonomiya na bumalik na sa normal ang buhay.
- Latest