Pagbabakuna arangkada na!
Galvez, iba pang opisyal unang tuturukan
MANILA, Philippines — Gugulong na ang ‘vaccination program’ ng pamahalaan ngayong Lunes at mauunang magpabakuna si National Task Force for COVID-19 Secretary Carlito Galvez.
Sa inilabas na advisory ng DOH, magsasagawa ng magkakasunod na programa ang pamahalaan sa UP-Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Philippine National Police General Hospital at V. Luna General Hospital.
Magkakaroon ng ‘symbolic vaccination’ kung saan unang sasalang sa pagpapaturok ng bakuna buhat sa Sinovac sina Galvez at Duque maging ilang opisyal ng DOH upang maipakita na ligtas ito at mapataas ang kumpiyansa ng mamamayan.
“In light of the arrival of COVID-19 vaccines in the country, there will be a Symbolic Vaccination with Corona Vac Vaccines by Sinovac Life Science Co. Ltd in different hospitals in NCR for March 1, 2021,” ayon sa advisory.
“In the coming days, these vaccines will also be rolled-out in the other parts of the country,” dagdag pa nito.
Inaasahan na magpapabakuna si Galvez sa UP-PGH kung saan dadalo rin sa programa sina Secretary Harry Roque, Food and Drugs Administration (FDA) Director General Rolando Domingo, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, at Manila City Mayor Isko Moreno dakong alas-9 ng umaga.
Sa Lung Center of the Philippines may ilang opisyal din ang magpapabakuna at sa iba’t iba pang lugar na iba pang opisyal ng pamahalaan.
Simula na rin ngayon ang PNP Vaccination Plan: Caduceus partikular ang pagbabakuna sa nasa priority list sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ayon kay PNP Spokesman, BGen. Ildebrandi Usana, ngayon alas-9 ng umaga aarangkada ng vaccination na sasaksihan ni PNP chief Gen. Debold Sinas at ng ibang matataas na opisyal ng police force.
- Latest