Duterte nagpasalamat sa China sa paghahatid mismo sa bakuna
MANILA, Philippines — Personal na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unang batch ng Sinovac vaccine na idiniliber mismo sa bansa ng pamahalaan ng China.
Sakay sa Chinese plane lulan ang nasabing 600,000 ng bakuna na lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City dakong alas- 4:10 ng hapon. Ito ang unang batch ng bakuna mula sa Beijing based drugmaker na Sinovac Biotech, kung saan dinisinfect muna ito bago tuluyang inilipat sa cold storage van.
Bukod sa Pangulo kasama rin sa sumalubong sa nasabing bakuna sina Health Secretary Francisco Duque III, Sen. Bong Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Defense Sec.Delfin Lorenzana, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr, Transportation Sec. Arthur Tugade at ni Chinese Ambassador Huang Xilian at iba pang Chinese diplomats.
Sa isang turned over ceremony, buong pagmamalaki na sinabi ni Duterte na maraming bansa ang binigyan ng bakuna ng China subalit pinakuha sa kanila.
Habang sa Pilipinas ay personal pa itong inihatid ng Chinese government.
Dahil dito kaya pinahatid ng Pangulo kay Xilian na personal siyang nagpapasalamat kay Chinese President Xi Jing Ping dahil sa donasyong bakuna.
Pinuri rin ni Duterte si Galvez dahil ginawa ang paraan para makakuha ng bakuna ang bansa.
Sa speech naman ni Galvez, sinabi nito ang sitwasyon kapag nasimulan na ang rollout ng bakuna sa bansa, kabilang dito ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, mapapaluwag ang community quarantine at maibabalik sa normal ang buhay ng mga Pinoy.
Sinabi rin ng vaccine czar na sobrang pinapahalagahan nila ang tulong ng China at lagi itong tatanawin na utang na loob kasabay ng “special” thank you kay ambasador Xilian.
Ang Sinovac ang ikatlong manufacturer na binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) sa bansa ng emergency used maliban sa Pfizer at AstraZeneca.
- Latest