Myanmar, Malaysia nahigitan ng Pinas sa internet speed sa mobile broadband
MANILA, Philippines — Nahigitan na ng Pilipinas ang Malaysia at Myanmar pagdating sa internet speed sa mobile broadband dahilan para tumaas ang world ranking ng bansa sa ika-86 mula sa dating 96 ranggo.
Ayon sa January Speedtest Global Index, tumaas mula 22.50 tungo sa 25.66 megabits per second (Mbps) ang bilis ng internet connection ngayon.
Sa pinakahuling global index, pang-anim na ang Pilipinas sa mobile internet speed sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).
Naungusan na ng Pilipinas ang Myanmar (25.21 Mbps, 88th worldwide) at Malaysia (23.74 Mbps, 94th) at nanatili pa rin na nauuna sa Cambodia (19.98 Mbps, 106th) at Indonesia (17.33 Mbps, 121st).
Ang limang Asean members na may mas mabilis na mobile internet speeds ay ang Singapore (66.44 Mbps, 22nd worldwide); Thailand (50.00 Mbps, 36th); Brunei (36.75 Mbps, 56th); Vietnam (34.68 Mbps, 62nd); at Laos (27.55 Mbps, 80th).
Sa fixed broadband speed, bumuti rin ang lagay ng Pilipinas mula sa dating 31.44 Mbps patungong 32.73 Mbps.
Isinusulong ngayon sa Kongreso na maisabatas ang panukala na magbibigay ng kapangyarihan sa National Telecommunications Commission (NTC) para makapagtakda ito ng compulsory deadlines sa industry players sa paghahatid ng mas mabilis na internet speed at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa telcos.
- Latest