^

Bansa

'Kumusta, Mars?': NASA rover lumapag sa pulang planeta, buhay hahanapin

Philstar.com
'Kumusta, Mars?': NASA rover lumapag sa pulang planeta, buhay hahanapin
Kita sa NASA photo na ito ang panunuod ng Perseverance Mars rover team sa mission control habang ibinabato pabalik ng rover ang mga unang imahe pabalik ng Daigdig mula Mars, ika-18 ng Pebrero, 2021
AFP/NASA/Bill Ingalls

MANILA, Philippines — Nakarating na sa Mars, Huwebes ng umaga, ang Perseverance rover ng NASA matapos ang pitong buwang paglalakbay sa kalawakan — handang-handa na para humanap ng buhay sa ikaapat na planeta mula sa Araw.

"Touchdown confirmed," sabi ng operations lead na si Swati Mohan, kasabay ng hiyawan ng mga nasa mission control ng Jet Propulsion Laboratory ng NASA sa Pasadena, Estados Unidos.

Sa susunod na mga taon, mangongolekta ang Perseverance ng 30 rock at soil samples na ibabalik sa Daigdig (Earth), bagay na sasailalim sa lab analysis bandang 2030. 

Nagpadala agad ng mga black-and-white- images ang nasabing rover matapos lumapag sa pulang planeta, habang ipinakikita ang mabatong landing site sa Jezero Crater, malapit sa equator ng Mars.

Inaasahang darating pa sa mga susunod na oras ang mga karagdagang imahe, video at unang recorded na tunog na na-delay nang kaonti dahil sa pagdaan sa mga satellite.

Kasinlaki ng SUV ang Perseverance at may 19 camera, dalawang metrong robotic arms, dalawang microphones at iba pang pangmalakasang gaheto para matulungan ito sa pagsisiyasat.

Sinasabing bumulusok sa bilis na 20,000 per hour ang sasakyang nagdala sa Perseverance sa Martian atmosphere bago maibaba gamit ang isang "supersonic parachute."

"We did successfully find that parking lot, and have a safe rover on the ground," ani Allen Chen, lead engineer ng landing stage.

"Today proved once again that with the power of science and American ingenuity, nothing is beyond the realm of possibility," tugon ni US President Joe Biden sa nasabing pangyayari.

Sinaunang lawa?

Dati nang pinaniniwalaan ng mga dalubhasa na may sinaunang ilog na umaagos sa malalim na lawa ang crater na pinuntahan ng Perseverance.

Higit na mas mainit ang Mars noon, at dahil napag-alaman na ng mga dating explorations na kayang tirhan ang planeta, nais malaman ng rover kung may tumira talaga roon dati.

Magsisimula itong maghukay ng unang samples sa tag-araw. Malaon ay magsca-scan na ito para sa mga "organic matter," magtutukoy ng chemical composition at dudurog ng mga bato gamit ang laser para aralin ang mga vapor.

Mahalaga ang pagbabalik ng samples sa Daigdig lalo na't may inaasahang "ambiguities" sa mga makukuhang specimen. Maaari kasing maging magkamukha ang mga ancient microbes at mga patterns na nalilikha ng precipitation.

Pagpapadala ng tao sa Mars

Bago magtungo sa misyon nito, gagawa muna ang NASA ng ilang mahahalagang eksperimento.

Ilan na riyan ang paggamit ng instrumento na susubukang i-convert ang carbon dioxide ng Mars para maging oxygen — ang hangin na kinokonsumo ng mga tao at hayop sa Daigdig.

Kung magiging matagumpay, hindi na kakailanganin ng oxygen ng sinumang tao na gugustuhing pumunta ng Mars. Mahalaga ang oxygen hindi lang sa paghinga, ngunit pati na rin bilang rocket fuel.

Plano ngayon ng Estados Unidos na magdala ng human missions sa Mars bandang 2030s. Gayunpaman, nasa maagang yugto pa ang mga nasabing pagsisikap. — James Relativo at may mga ulat mula sa Agence France-Presse

vuukle comment

MARS

NASA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with