Honasan inabswelto sa pork barrel scam
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Sandiganbayan ang kasong graft laban kay dating Senador at ngayon ay Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan at pito pa kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Sa 52-pahinang ruling ng anti-graft court, nabigo ang prosekusyon na magpakita ng ebidensya para patunayang guilty sa kaso si Honasan kung saan ang ‘presumption of innocence ‘ ay pumabor sa akusado.
Pinawalang sala rin ang pito pang mga opisyal ng National Council on Muslim Affairs (NCMF) na sina Galay Makalingan, Mehol Sadain, Auroran Aragon-Mabang, Fedelina Aldanese at Olga Galido.
Si Honasan ay inakusahang nagkamal umano ng P29.1 milyon sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas lalong kilala bilang pork barrel para umano sa isang Non -Government Organization (NGOs) na hindi dumaan sa proseso ng public bidding.
Si Honasan ang ikaapat na Senador na nasampahan ng kaso sa kontrobersyal na P10 bilyong pork barrel scam ng negosyanteng si Janet Lim- Napoles. Ang iba pa na sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating Senador Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla ay ipinagharap ng kasong plunder at nakulong. Si Estrada at Enrile ay nakalaya matapos na magpiyansa habang pinawalang sala ng korte si Revilla.
- Latest