Sanitary landfill pinagmulta ng DENR
MANILA, Philippines — Pinagmumulta ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR) ang Econest Waste Management Corporation (Econest WMC), operator ng Hermosa Sanitary Landfill Facility sa Bataan dahil sa paglabag sa Environmental Compliance Certificate (ECC).
Sa 17-pahinang EMB Resolution na ipinalabas ni EMB OIC-Director, Engr. William Cunado, bukod sa P150,000 penalty ipinag-utos din nito sa Econest na agad isailalim sa rehabilitasyon ang landfill at alisin ang mga nakalalasong basura para sa kaukulang treatment at disposal ng mga electrical at electronics wiring rubber insulators na natagpuang nakatambak sa naturang project site.
Una nang binisita ni Hermosa Mayor Jopet Inton ang lugar at isinilbi ang cease and desist order mula sa Hermosa LGU na nag-uutos na pansamantalang itigil ang operasyon ng Hermosa Sanitary Landfill Facility (SLF).
Bago ang pagpapasara sa landfill, nagpalabas ng hiwalay na notice ang Hermosa LGU at EMB-DENR sa Econest WMC dahil ang operasyon nito ay walang valid Discharge Permit at Hazardous Waste Generator Registration Certificate at ang ilan nilang treatment units para sa kanilang leachate treatment facilities ay walang protective lining dahilan para ma-contaminate ang groundwater contamination dahil sa leachate seepage.”
Ang ECC na naibigay ng EMB sa Econest WMC ay sinuspinde rin ng ahensiya dahil sa mga paglabag sa environmental laws ng pamahalaan.
- Latest