^

Bansa

'UK travel ban' ipatutupad ng bansa simula bukas dahil sa bagong COVID-19 strain

Philstar.com
'UK travel ban' ipatutupad ng bansa simula bukas dahil sa bagong COVID-19 strain
Sa undated photo na ito, makikitang nakasakay sa eroplano ang mga pasaherong ito sa gitna ng COVID-19 pandemic
Released/Department of Foreign Affairs

MANILA, Philippines — Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Pilipinas at agad na magpapatupad ng pansamantalang "travel restriction" sa lahat ng mga biyaherong manggagaling sa United Kingdom simula bukas dahil na rin sa panibagong mutation ng SARS-CoV-2 doon — ang virus na pinagmumulan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang video message na inilabas sa state-owned media na PTV4 ngayong Miyerkules nang umaga. Aniya, nagmula mismo sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang kautusan.

"Inaprubahan po ni presidente kagabi, 22 ng Disyembre, ang pagsusupend ng flights mula po United Kingdom simula 24 ng Disyembre, 12:01 a.m., hanggang sa katapusan, 31 ng Disyembre, 2020," ani Roque.

"Covered ng temporary restriction ang lahat ng mga pasahero na nasa UK nang 14 na araw bago dumating ng Pilipinas. Kasama na rin dito ang mga pasaherong nasa transit."

Inilabas ang IATF Resolution 90 matapos sabihin ni Roque na kakalampagin niya ang Department of Transportation (DOTr) para ipatupad ang nasabing paghihigpit para na rin hindi makapasok ang bagong mutation ng COVID-19 sa bansa.

Basahin: 'UK travel ban' itutulak ng Malacañang dahil sa COVID-19 virus mutation doon

Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na ang naturang strain mula Europa ay "mas nakakahawa" kumpara sa talamak at normal na COVID-19.

"Sa mga nasa pasahero naman na nasa transit mula UK at sa mga pasaherong nasa UK nang 14 na araw bago dumating ng bansa at dumating bago ng 12:01 a.m., December 24, temporary restriction, hindi sila sakop ng entry restriction," dagdag pa ni Roque.

Sabi pa ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, kahit na hindi sakop ng pagbabawal ang mga biyaherong makararating bago ang Huwebes, kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa "absolute 14-day quarantine" sa Athlete's Village sa New Clark City kahit na mag-negatibo sila sa RT-PCR swab test.

Para naman sa mga nasa Pilipinas na nais pumunta ng UK, regular na exit protocols ang kanilang pagdadaanan.

Matatandaang dati nang nabatikos ang administrasyong Duterte dahil diumaano sa "bagal" nitong magpatupad ng travel ban sa Tsina — ang bansang pinanggalingan ng COVID-19 — bagay na ibinaba lang isang araw matapos makumpirma ang unang kaso nito sa Pilipinas.

Sa huling ulat ng Department of Health (DOH), Martes, umabot na sa 462,815 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 9,021 na ang patay. — James Relativo

vuukle comment

FLIGHTS

IATF

NOVEL CORONAVIRUS

RODRIGO DUTERTE

UNITED KINGDOM

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with