Demand sa marijuana, shabu tumaas - PNP
MANILA, Philippines — Aminado si Philippine National Police Chief (PNP) Chief, General Debold Sinas na tumaas ang demand sa marijuana at shabu ngayong quarantine kaya doble ang kanilang ginagawang kampanya upang masawata ang mga nagsasagawa ng illegal drugs activities.
Ayon kay Sinas, dahil sa pagpapatupad ng quarantine, nabawasan ang gimikan o pagtungo sa mga bar kung saan ecstacy ang pangunahing ginagamit ng mga drug users.
Dahil sa kawalan ng gimikan o bar mas ginagamit ngayon ng mga addict ang marijuana at shabu. Ito ngayon ang pinagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad alisunod na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte na sugpuin ang problema sa droga.
Sinabi ni Sinas na ang report na pagtaas sa demand ng marijuana at shabu ang naging dahilan upang mas paigtingin pa nila ang kanilang kampanya laban sa mga bigtime drug pushers sa bansa.
Isa na rito ang pagkakasabat ng P26-milyong marijuana sa Balintawak, Quezon City.
Nagiging front umano ng tatlong suspek ang ibinebentang mga gulay at bawang mula Isabela.
Gayunman, sinabi ni Sinas na bagama’t dumaan sa checkpoint hindi naman nila binubungkal ang mga kargamento at sa halip ay tinitignan lamang ang papeles ng driver at pasahero.
Ngunit ayon sa isang opisyal sa Camp Crame, nakakapagtakang lumusot sa maraming checkpoint ang mula sa Isabela ang illegal na kargamento lalo pa’t undersurveillance na ito.
- Latest