Maguindanao bombers tugisin – PNP
MANILA, Philippines — Mariing inutos kahapon ni PNP Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang pagtugis sa mga umano’y bombers ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ikinasawi ng isang miyembro ng Philippine Marines habang apat pang sundalo ang nasugatan sa provincial road ng Datu Hoffer, Maguindanao.
Ang direktiba ay ipinalabas ni Cascolan kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) Regional Director Police Brig. Gen. Samuel Rodriguez.
Sinabi ni PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, inatasan din ni Cascolan ang lahat ng police units kabilang ang kanilang mga commandos na bina-backup ng light armor units na tumulong sa tropa ng militar sa pagtugis sa mga nasa likod ng roadside bombing.
Sa ulat ng PRO-BAR, dakong alas-7:50 ng gabi nang mangyari ang bombing sa provincial road ng Datu Hoffer malapit sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa kapitolyo ng Shariff Aguak, Maguindanao.
“Police bost-blast investigators are sifting through debris around the seat explosion of the suspected Improvised Explosive Device (IED),” ani Yu.
Kagagaling lamang ng tropa ng Philippine Marines lulan ng troop carrier galing sa military operations laban sa BIFF terrorists sa Brgy. Salman nang mangyari ang pambobomba.
Kaugnay nito, inalerto na ni Rodriguez ang mga elemento ng pulisya sa lalawigan laban sa posible pang paghahasik ng karahasan ng BIFF groups.
- Latest