Pagbili ng 500K PPEs kinansela
MANILA, Philippines — Kinansela ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbili ng may 500,000 personal protective equipment (PPE) na nagkakahalaga ng P727 milyon.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2021 national budget, sinabi ni DBM Undersecretary Lord Christopher Lao, noong Biyernes lamang kinansela ang pagbili ng PPEs mula sa Ferjan HealthLink Inc. dahil atrasado umano ang pagbili at mayroong overpricing.
Ayon pa kay Lao, nalaman din nila sa Securities and Exchange Commission (SEC) na isa sa mga stockholders ng Ferjan Inc. ay sole proprietor ng Ferjan HealthLink Enterprises na blacklisted sa DBM.
Ang bawat set ng PPE ng Ferjan ay nagkakahalaga ng P1,455 kung saan kasama nito ang overall gown, shoe cover, gloves, apron at head cover.
Tiniyak naman ni Lao na walang pondo na nawala sa gobyerno dahil hindi pa sila nagbigay ng advance na bayad.
Iginiit naman ni Senate minority leader Franklin Drilon na dapat nag-ingat ang DBM at nagsiyasat ng husto para hindi na nabigyan ng kontrata ang Ferjan dahil blacklisted na ito.
Nangangamba naman si Drilon na dahil nakalusot ang Ferjan ay maaaring may katulad pa na kontratista na nakalusot sa DBM procurement service.
- Latest