^

Bansa

2nd tranche ng SAP, na Mayo pa pangako, Hulyo matatapos ibigay

James Relativo - Philstar.com
2nd tranche ng SAP, na Mayo pa pangako, Hulyo matatapos ibigay
Pila ng mga magulang sa Brgy Payatas sa Quezon City para tumanggap ng social amelioration program (SAP), ika-12 ng Mayo, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Aminado ang Malacañang na lubhang nababagalan sila sa pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa social amelioration program (SAP), o ayuda pa sa mga apektado ng lockdown, Lunes.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na maging sila ay hindi na natutuwa sa nangyayari, lalo na't kailangan na kailangan ito ng mga apektadong residente.

"Mabagal po talaga. Masasabi ko po na nabagalan din ang Palasyo sa proseso ng pangalawang tranche," sabi ni Roque. Aniya, 3.37 milyong pamilya pa lang mula sa 18 milyong target ang nakakakuha ng ayuda — na laan para sa pinakamahihirap habang quarantine.

"Maraming dahilan po ang sinasabi ng DSWD, pero tinatanggap po namin ang deklarasyon [nila] na hindi matatapos ang July na hindi maibibigay ang kabuuan ng ayuda, maliban doon sa walang access sa internet."

Mula sa P100 bilyong inilaan para sa SAP, P20.1 bilyong halaga ng ayuda pa lang ang naipapamahagi, sabi pa ni Roque — kahit na Mayo pa ito dapat naibigay.

Habang pinagbabawalang lumabas dahil sa coronavirus disease (COVID-19) ang publiko, milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho habang sari-saring negosyo naman ang napilitang magsara.

Naitala ang pinakamataas na unemployment rate sa kasaysayan ng Pilipinas noong Abril 2020 dahil sa mga lockdown, bagay na katumbas ng 7.3 milyong nawalan ng trabaho. Inaasahang madadagdagan pa 'yan ng 4 milyon bago matapos ang 2020.

Basahin: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19

Gayunpaman, tiwala ang Palasyo na makakasunod sa usapan ang DSWD upang maabot ng tulong ang pinakamarami sa gitna ng gutom at pandemya.

"Ang sabi po ng DSWD, hanggang katapusan lang po ng Hulyo [ang palugit para mai-distribute], and the Palace would hold the DSWD to that," sabi pa ng tagapagsalita ng presidente.

Nagsimulang mamigay ng SAP ang gobyerno noong Abril, ngunit humarap din sa problema dahil sa sari-saring dahilan, gaya ng hindi paglabas ng pangalan sa listahan ng benepisyaryo ang mga taong umaasa sa ayuda.

Ika-11 naman ng Mayo ng sabihin ng Palasyo na tanging enhanced community quarantine (ECQ) areas na lang ang magiging sakop ng ayuda, dahilan para maipwersa sa SAP ang mga general community quarantine (GCQ) areas kahit hindi pa lahat ay nakapagtratrabaho roon.

Dahil diyan, tinutulan tuloy ng iba't ibang grupo ang exclusion ng mga nasa GCQ. Kasalukuyang nasa GCQ at modified general community quarantine (MECQ) ang kalakhan ng Pilipinas sa ngayon.

Tanging Lungsod ng Cebu na lang ang nasa ilalim ng modified ECQ, sa dahilang naroon ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.

vuukle comment

HARRY ROQUE

NOVEL CORONAVIRUS

SOCIAL AMELIORATION PROGRAM

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with