Bidding sa fertilizer deal minaniobra - farmers
MANILA, Philippines — Dismayado ang mga magsasaka sa umano’y pagmaniobra sa bidding ng fertilizer supply contract na pinasok ng gobyerno na nagkakahalaga ng P1.8 billion.
Duda rin si Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So sa pahayag ng Department of Agriculture na ang P1,000 kada bag na contract price ng fertilizer ay mas mura sa national average retail price na mula P1,043 ay P1,062 noong Marso hanggang Mayo.
“That’s pure fiction. They invented those numbers to justify the overpricing. You can go to any outlet store across Central Luzon and you will not encounter such prices. The average price is only at P850 per bag. That means under the negotiated bidding, there’s a difference of almost P150 per bag at their price tag of P990 to P995,” ayon kay So.
Una nang iginiit ni DA Sec. William Dar na ang bidding ay ‘above board’ at nagresulta para makatipid ang gobyerno subalit nanindigan si So sa kanyang posisyon na ang supply contracts ay “grossly disanvantageous” at “overpriced”.
Giit ni So, mahirap itago ang presyo ng urea fertilizer dahil bawat munisipalidad ay mayroong outlet nito.
Tanong pa niya, kung kaya namang bumili ng magsasaka ng pataba mula sa outlet store ng P850 per bag lamang, bakit kakailanganin pa ng DA na bumili ng maramihan nito sa mas mahal na presyo.
Sinabi rin ni So na namamaniobra ang bidding sa DA at taliwas sa dapat nagaganap na pababaan ng presyo, nagiging qualified pa ang mataas na bid o presyo.
Ang DA ay nasa ilalim ng stimulus program na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 (ALPAS sa COVID-19) at nakapag-allocate ng P5.69 billion para sa procurement ng urea fertilizer na ang presyo ay dapat mas mababa sa P1,000 kada bag.
- Latest