^

Bansa

ABS-CBN: Milyun-milyong Pinoy mawawalan ng impormasyon sa pag-alis sa ere

Philstar.com
ABS-CBN: Milyun-milyong Pinoy mawawalan ng impormasyon sa pag-alis sa ere
Hawak ng mga tagasuporta at empleyado ng ABS-CBN ang ilang placards at kandila noong ika-14 ng Pebrero para ipanawagan ang renewal ng prangkisa ng kumpanya.
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Dismayado ang broadcast giant na ABS-CBN sa desisyon ng National Telecommunications Commission na patawan ng "cease and desist order" ang kanilang kumpanya matapos mapaso ang kanilang prangkisa kahapon, ika-4 ng Mayo.

"Milyun-milyong Pilipino ang mawawalan ng pagkukunan ng balita at entertainment oras na utusan ang ABS-CBN na mawala sa TV at radyo ngayong gabi," sabi ng ABS-CBN sa isang pahayag sa Inggles.

Aniya, nangyayari ang lahat ng ito kung kailan pa kailangan ng taumbayan ng mahalaga at napapanahong impormasyon habang hinaharap ng Pilipinas ang coronavirus disease (COVID-19).

Kanina lang nang maglabas ng cease and desist order ang NTC laban sa kumpanya, na nagbabawal na sa kanilang magpatuloy sa broadcast operations sa lalong madaling panahon.

Hindi kasi sila binigyan ng "provisional authority" kahit na naglabas ng liham ang committee on legislative franchises ang Kamara, ng Senate Resolution 40 ang Senado, gabay ang Department of Justice at sinumpaang pahayag si NTC Commissioner Galaliel Cordoba.

Ipinangako rin ni House Speaker Alan Peter Cayetano noong nakaraang linggo na walang maniobra para ipasara ang kumpanya.

"Nagtitiwala kaming makakapagdesisyon ang gobyerno pagdating sa aming prangkisa habang iniisip ang interes ng sambayanang Pilipino, habang kinikilala ang papel ng ABS-CBN sa pagbibigay ng pinakabagong impormasyon sa panahon ng krisis," dagdag ng Dos.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na dapat hayaang mag-operate ang ABS-CBN kahit expired na ang kanilang prangkisa.

Aniya, wala lang silang franchise sa ngayon pagka't hindi pa naaaksyunan ng lehislatura ang mga panukalang tatalakay sa renewal.

Sa ngayon, umabot na sa P300 milyong halaga ng ayuda ang naibigay nila sa mahigit 600,000 pamilya na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

'Atake sa press freedom'

Binatikos naman ng grupong Karapatan ang desisyon ng NTC, at tinawag itong atake sa karapatan sa pamamahayag at mga journalists.

"Kasuklam-suklam na inilabas ang utos na ito sa gitna ng public health crisis," sabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan.

"[M]ahalaga ang papel ng free press para manatiling informed ang publiko sa mahalaga, beripikado at life-saving information tungkol sa COVID-19 pandemic." 

Bukod pa rito, nasa 11,000 alagad ng media raw ang nanganganib mawalan ng trabaho habang may krisis.

Kagalit-galit din daw na "lumiliit" ang civic spaces sa bansa habang nagpaparinig ang gobyerno patungkol sa martial law.

"Pinapaspasan na ng rehimeng Duterte ang kahibangang ala-Marcos patungo sa pasistang diktadura," banggit pa ni Palabay.

Nanawagan din sila sa lahat ng Pilipino na tumindig laban sa mga "atake" diumano ng gobyerno sa kalayaan at karapatang pantao sa ngayon. — James Relativo

vuukle comment

ABS-CBN

KARAPATAN

LEGISLATIVE FRANCHISE

NATIONAL TELECOMMUNICATIONS COMMISSION

PRESS FREEDOM

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with