^

Bansa

Taguig dumepensa sa pagsugod, paninigaw ng PNP sa pribadong condo habang 'lockdown'

James Relativo - Philstar.com
Taguig dumepensa sa pagsugod, paninigaw ng PNP sa pribadong condo habang 'lockdown'
Kuha ng pulis habang sinisigawan ang mga banyagang residente ng Pacific Plaza Towers Condominium Corporation, isang private property.
Video grab mula sa Facebook video ni Joseph Castillo

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang panghihimasok ng ilang kawani ng Philippine National Police sa isang pribadong condominium habang naninita sa gitna ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.

"Kasama sa ECQ rules and regulations ang pagsasara ng mga common areas at espasyo sa mga subdivision at residential condominiums, dahil mga lugar ito ng pagtitipon," sabi ng Taguig local government unit sa Inggles kagabi sa isang Facebook post.

"Saklaw nito ang mga pampubliko AT pribadong establisyamento."

Sa video na ito na in-upload ng isang religious bishop na si Joseph Castillo, sinabing pinasok na lamang ng pulis ang Pacific Plaza Tower sa Bonifacio Global City, na tinitirhan ng mga diplomat, foreign government dignitaries at kanilang pamilya.

Ang problema, ilan daw sa mga pinagtaasan ng boses ng armadong pulis ay mga paslit.

"Aarestuhin ko kayong lahat. Hindi niyo ba maintindihan ang polisiya ng gobyerno? 'Wag mo akong titignan nang ganyan," sabi ng pulis sa video, na naninigaw sa mga banyaga't bata na nagpapahinga sa isang swimming pool.

"'Wag tayong tanga. Intindihin niyo kami ma'am. Simpleng-simpleng pag-intindi. 'No use of common areas.' Ikaw, bumalik ka!"

 

Ngayong ECQ, suspendido ang lahat ng pampublikong transportasyon, klase't ilang trabaho maliban sa mga curfew.

Kasabay nito, mahigpit na ipinatutupad din ang iba't ibang porma ng "social distancing," na nagtatakda sa paglayo sa iba pang tao upang makaiwas sa hawaan ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Umabot na sa 6,259 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas noong Linggo. Sa bilang na 'yan, 409 na ang namamatay.

Pero hindi ikinatuwa ng ilang residente na naapektuhan sa nasabing pagsugod ng mga pulis.

"My heart breaks for the little kids who were just getting some sunshine before being verbally assaulted by armed men. (over kill)," sabi pa ni Castillo, sa takot na na-trauma ang mga bata.

Ligal ba o hindi?

Sa panayam ng Philstar.com, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na iniimbestigahan na nila ang insidente.

"Oo, tinitignan na ng [National Capital Region Police Office] ang iniulat na insidente," wika ni Banac.

"Pero bilang polisiya, hindi pumapasok ng pribadong ari-arian ang pulis maliban na lang kung inimbitahan ng may-ari o administrador."

Sabi naman ni Erwin Elechicon, presidente ng condominium, hindi sila magdadalawang-isip na magsampa ng kaso tungkol sa aniya'y abuso na ginawa ng mga pulis.

"Gumagawa na ng hakbang ang aming Legal Counsel pagdating sa mga nararapat na aksyong ligal na agad naming dadalhin sa korte (o kung saan mang otoridad), maaari sa susunod na dalawang araw," wika ni Elechicon.

Kasama raw sa hihilingin ng condominium ay restraining order at reklamong kriminal laban sa pulis dahil sa "pananakot" daw sa kanilang mga residente.

Maaaring maghain din daw sila ng kasong sibil sa paglabag ng property at personal rights, kasama ng pagpupumilit pumasok kahit walang warrant o authorization, na maaaring pumasok daw sa "trespassing."

Pero pakiusap ng Taguig LGU, makipagtulungan na lang ang publiko habang tumutugon ang gobyerno sa banta ng COVID-19.

"Nasa public health crisis tayo. Sana intindihin niyo na extraordinary times ito," sabi pa ng Taguig LGU.

'Parang martial law'

Kahapon lang nang muling kundinahin ng Kabataan party-list ang aniya'y mala-batas militar na response ng gobyerno pagdating sa COVID-19 crisis.

"[M]abilis itong manduro't mang-aresto ng mga taong lumalabag sa quarantine standards... Hindi nito maibigay man lang ang bare minimum pagdating sa pagtugon sa health-related concerns pagdating sa pagbibigay ng agarang ayuda at tulong," sabi ng militanteng grupo.

Aniya, nakakadismayang ipinipintang "pasaway" ang mga Pilipino para lang maikatwiran ang lockdown extension.

Huwebes nang gabi nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hihikayatin niya ang pulis at militar na magpatupad ng pang-martial law na lockdown measures kung matigas pa rin ang ulo ng mamamayan.

"Hindi solusyon ang martial law... Tinatawagan namin ang kabataan na panagutin ang administrasyon na ito sa kanyang mga pagkakasala at kundinahin ang anumang pagsusumikap na magpatupad ng martial law ngayong krisis," panapos ng Kabataan. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico

vuukle comment

CONDOMINIUM

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

TAGUIG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with