49 Pinoy mula Wuhan pinauwi na!
MANILA, Philippines — Pinauwi na sa kanilang mga tahanan ang mga Pilipinong nagmula sa Wuhan City, Hubei, China sa pagtatapos ng kanilang 14-day quarantine kahapon nang walang nakitang sintomas ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Pawang pinagkalooban din ng quarantine clearance certificates ng Department of Health (DOH) ang nasa 49 Pinoy na namalagi sa Athlete’s Village, sa New Clark City, Capas, Tarlac simula noong Pebrero 9.
Ang mga naturang clearance certificate ay ipinagkaloob sa mga Pilipino upang maiprisinta nila sa kanilang mga employer bilang katibayan na sila ay may kakayahan pa ring magtrabaho.
Tiniyak naman ni DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na kahit pa pinayagan nang makauwi sa kani-kanilang lalawigan ay patuloy pa ring imomonitor ng DOH ang kalusugan ng naturang mga Pinoy repatriates mula sa Wuhan sa loob ng isang buwan sa tulong ng mga local officials.
Kabilang sa naturang 49 na Pinoy ang 30 overseas Filipino workers (OFW) na nakatira at nagtatrabaho sa Wuhan; limang mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang nag-asikaso ng mga dokumento ng mga naturang Pinoy; anim na airline crew, at tatlong ground crew na nag-uwi sa kanila sa Pilipinas.
Sinabi ni Vergeire na nang makaalis na ang mga repatriates ay kaagad na nilinis mabuti at dinisinfect ang New Clark City facility bilang paghahanda naman sa pagdating ng mga Pinoy na ire-repatriate mula sa MV Diamond Princess cruise ship na naka-quarantine sa Yokohama, Japan.
- Latest