Isa pang Pinoy sa UAE nagka-‘COVID-19’
MANILA, Philippines — Isa pang Pilipino sa United Arab Emirates ang nahawahan ng coronavirus disease (COVID-19).
Ipinahayag kamakalawa ng UAE Ministry of Health and Prevention ang dalawang bagong kaso ng COVID-19 kabilang ang isang Pilipino na nakaharap ng isang Chinese national na naunang nagpositibo sa naturang sakit.
“Ang bagong dalawang kaso ay sa isang 34-anyos na Pilipino at isang 39-anyos na Bangladeshi. Matatag na ang kanilang kundisyon,” sabi ng ministri.
Sa bagong kasong ito, umabot na sa 11 ang kabuuang bilang ng nagkasakit ng COVID-19 sa UAE bagaman binabanggit ng MOHAP na tatlo sa mga ito ang gumaling na.
Nitong maagang bahagi ng buwang ito, kinumpirma ng pamahalaan ng UAE na isang Pilipino ang nagpositibo sa virus. Nang panahong iyon, ipinahayag ng Department of Foreign Affairs na makikipag-ugnayan ito sa pamahalaan ng UAE kaugnay ng naturang mga kaso.
Wala pang komento ang DFA sa pangalawang kumpirmadong kaso na kinasasangkutan ng isang Pilipino sa UAE.
- Latest