^

Bansa

Panelo: Huwag 'i-take literally' na nais ipasara ni Duterte ang ABS-CBN

James Relativo - Philstar.com
Panelo: Huwag 'i-take literally' na nais ipasara ni Duterte ang ABS-CBN
Agosto 2018 nang sabihin ni Digong na hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN kung siya ang masusunod dahil sa hindi pag-eere ng kanyang mga patalastas habang tumatakbo pa sa pagkapresidente. 
Presidential Photo

Manila, Philippines — Hindi totoong nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maipasara at hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN, giit ng Malacañang sa isang pahayag, Martes.

Kaugnay pa rin ito ng nakabinbing prangkisa ng Kapamilya Network, na nakatakdang mapaso sa ika-30 ng Marso, 2020.

Bagama't dati nang sinabi ni Duterte na hindi niya hahayaang ma-renew ang prangkisa ng istasyon, hindi raw nangangahulugan na 'yon talaga ang mensahe niya, sabi ni presidential spokerson Salvador Panelo sa isang presss briefing.

"Ang mga sinabi ng presidente tungkol sa personal niyang galit sa ABS-CBN, at ang pagtitiyak niyang maipasasara ito... hindi 'yun dapat tignan na literal," paliwanag ni Panelo sa Inggles. 

"Ang ibig niyang sabihin ay hindi niya hahayaang lokohin ng ABS-CBN ang mga nangontrata sa kanilang magpalabas ng kanyang campaign commercials. 'Yun ang ibig sabihin niya."

Taliwas 'yan sa sinabi ni Duterte noong Agosto 2018, matapos mag-alboroto dahil sa hindi raw pag-ere sa kanyang mga patalastas habang tumatakbo pa sa pagkapresidente. 

"Ngayon, due for renewal na ang franchise ng ABS-CBN... Hindi ako makikialam. Pero kung ako ang masusunod, hindi ko 'yan ibibigay," sabi ni Digong matapos pagmumurahin ang kumpanya.

Disyembre 2019 naman nang payuhan niya ang pamilya Lopez, na nagmamay-ari sa media giant, na ibenta na lang ang kumpanya.

Kasalukuyang nakabinbin ang 11 panukalang batas sa Kamara hinggil sa pagpapanibago ng prangkisa, bagay na hindi pa rin dinidinig.

Paliwanag ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na kaalyado't dating running-mate ni Duterte noong 2016, hindi raw dapat madaliin ang hearing ng mga nasabing house bills.

Ilang araw pa lang din ang nakalilipas nang maghain ng quo warranto petition sa Korte Suprema si Solicitor General Jose Calida, sa pag-asang mababawi ang prangkisa ng kumpanya.

Bagama't ganyan ang kilos ng kanyang kaalyado't OSG, muli naman iginiit ni Panelo na walang kinalaman si Duterte sa pang-iipit sa ABS-CBN.

"Hindi niya gagamitin ang kanyang tanggapan para pigilan ang ABS-CBN na maipagpatuloy ang kanilang serbisyo. Konggresso ang kailangang magdesisyon, hindi siya," wika pa niya.

Kasalukuyang may super-majority sa Mababa't Mataas na Kapulungan ang administrasyon.

Kanina lang nang sabihin ni Albay Rep. Edcel Lagman na kumikilos na ang pamunuan ng Kamara upang pilitin ang mga konggresistang sumusuporta sa ABS-CBN na bawiin ang kanilang lagda sa House Resolution 639.

In-uudyok ng resolusyon ang committee on legislative franchises na agad aksyunan ang pagsasanib ng mga nakabinbing panukala hinggil sa 25-year franchise renewal ng ABS-CBN upang mapag-usapan sa plenaryo ang mga rekomendasyon dito. 

vuukle comment

ABS-CBN

LEGISLATIVE FRANCHISE

RODRIGO DUTERTE

SALVADOR PANELO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with