Resolusyong umuudyok kay Trump parusahan ang mga nagpakulong kay De Lima pasado sa US Senate
MANILA, Philippines — Nakalusot na sa Senado ng Estados Unidos ang resolusyong kumukundena sa patuloy na pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima na humihiling din kay US President Donald Trump na parusahan ang mga opisyal ng gobyernong responsable sa pagkakakulong niya.
Ang Senate Resolution 142 ay inihain ni Senator Ed Markey noong Abril 2019 at naipasa nang may ilang amendment sa katawan at preamble, ayon sa website ng US Senate.
"That the Senate calls on the President of the United States to impose sanctions pursuant to the Global Magnitsky Human Rights Accountability Act (subtitle F of title XII of Public Law 114–328; 22 U.S.C. 2656 note) with respect to—
(A) members of the security forces and officials of the Government of the Philippines responsible for extrajudicial killings; and
(B) officials of the Government of the Philippines responsible for orchestrating the arrest and prolonged detention of Senator De Lima"
Maliban dito, hinihiling din nito na tuluyang mapalaya si De Lima, na nakakulong matapos idawit sa kalakalan ng droga, at maibasura ang mga kaso laban sa Rappler at kanilang CEO na si Maria Ressa.
Itinuturing ng resolusyon na "prisoner of conscience" si De Lima, at ikinulong daw aniya dahil sa kanyang pananaw pampulitika at pagpapahayag.
Ang mga ganitong resolusyon ay hindi nangangailangang mapirmahan ni Trump at hindi katulad ng bisa ng isang batas.
Kamakailan lang nang maisama sa US budget para sa 2020 ang probisyong haharang sa mga responsable sa pagkakakulong ni De Lima sa pagpasok sa Estados Unidos, na kaugnay pa rin daw ng implementasyon ng Global Magnitsky Human Rights Accountability Act. — James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest