^

Bansa

Na naman?: Grab pinagmumulta ng P16.15-M dahil sa price surges, driver cancellations

James Relativo - Philstar.com
Na naman?: Grab pinagmumulta ng P16.15-M dahil sa price surges, driver cancellations
"[P]inagmumulta ng P14.15 milyon ng PCC ang Grab dahil sa sobra-sobrang deviation nito sa kanilang pricing commitment at P2 milyon dahil sa sobra-sobrang pagkansela ng kanilang drivers sa 7.76%, kahit na 5% lang ang ipinangako nila," sabi ng PCC sa Inggles.
AFP, File

MANILA, Philippines — Pinagmumulta ng Philippine Competition Commission ng aabot sa P16.15 milyon ang ride-hailing app na Grab Philippines dahil sa sari-saring paglabag sa mga ipinangako nito para sa mga buwan ng Mayo at Agosto.

"[P]inagmumulta ng P14.15 milyon ng PCC ang Grab dahil sa sobra-sobrang deviation nito sa kanilang pricing commitment at P2 milyon dahil sa sobra-sobrang pagkansela ng kanilang drivers sa 7.76%, kahit na 5% lang ang ipinangako nila," sabi ng PCC sa Inggles.

Biyernes pa raw nang ilabas ang commission order matapos ang audit report na isinumite ng Smith & Williamson, na naatasang aralin ang pagsunod ng Grab sa kanilang voluntary commitments sa pamasahe, kaledad ng serbisyo at non-exclusivity ng isang taon o hanggang ika-10 ng Agosto, 2019.

Ang multa ay ang pinakabago sa serye ng mga parusa sa kumpanya dahil sa kanilang mga paglabag.

Nangangahulugan din ng administrative penalty na aabot sa P50,000 hanggang P2 milyon ang kada violation, alinsunod sa Philippine Competition Act.

Matatandaang pinagmulta ang Grab ng P11.3 milyon noong unang kwarto, P7.1 milyon noong ikalawang kwarto at P5.05 milyon sa ikatlong kwarto ng 2019 dahil din sa paglabag sa pricing commitments.

Bukod pa 'yan sa ipinasasaoling P5 milyon sa Grab sa pamamagitan ng refund o "rebate" sa mga pasahero dahil sa mga sobrang siningil na pamasahe sa mga customer.

Maaasahan ang rebate sa loob ng 60 araw sa pamamagitan ng GrabPay credits.

Isyu ng monopolyo

"Sa pagsasanib ng dalawang pinakamalalaking ride-hailing apps ng bansa, ipinakikita ng mga paglabag ng Grab ang pagpapamalas nila ng 'market power' dahil sa kawalan ng kakompitensyang may sapat na laki sa merkado," dagdag ng PCC.

Tinutukoy nila ang merger na nangyari sa pagitan ng Grab at Uber sa Pilipinas at sa nalalabing bahagi ng Southeast Asia.

"Nakakita ng malaking pagbabago ang Grab noong nagdaang taon dahil sa acquisition ng Grab sa Uber," ani Arsenio Balisacan, chair ng PCC.

"Ngayong may mga ipinangako na, layon ng PCC na mapanatili ang pre-transaction market conditions at didisiplinahin ang anumang tendensiya na magpatupad ng kapanyarihang magmonopolyo sa pamamagitan ng mga penalties."

Hiwalay ang pricing commitment ng Grab sa PCC mula sa fare structure ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Bagama't nagpataw ng fare matrix ang LTFRB para sa lahat ng transport network vehicle services, pinasusunod ng PCC ang Grab sa kanilang voluntary commitments.

Kabilang dito ang pagpapanatili ng pasahe na pasok sa range ng kanyang competitor tulad noong nasa merkado pa ang Uber.

Dahil diyan, nag-uutos ng multa ang PCC tuwing lumalagpas sa pricing commitment ang singil ng Grab, kahit na hindi pa ito itinuturing na overcharging kung batay sa itinatakda ng LTFRB.

Sabi ni Balisacan, ang tunay na magiging game-changer ay ang pagpasok ng panibagong player na may mahusay na "financial muscle" at isang environment na magbibigay ng pagkakataon para sa mga existing players na lumaki.

Grab 'nirespeto ang findings'

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Grab na "napakateknikal" ng ipinatutupad na fare-in-range monitoring scheme at "hindi mailalapat sa kasalukuyang kondisyon ng merkado."

"[N]irerespeto ng Grab Philippines ang findings ng [PCC] sa kanilang May 11-August 10, 2019 monitoring, matapos makakita ng antitrust body ang ilang 'di pagtugma mula sa voluntary commitments ng Grab na nagmula sa kakulangan ng suplay ng TNVS na magseserbisyo sa lumalaking demand ng mananakay, kasabay ng paglala ng sitwasyong trapiko," sabi nila.

Pero giit nila, pasok pa rin ang kanilang sinisingil sa fare matrix na inilabas ng LTFRB.

"Mangyayari ang disbursement hindi lalagpas ng ika-10 ng Pebrero, 2020... Ang karagdagang P2 milyong admin penalty na kaugnay ng ipinangakong driver cancellation rate ay direktang ibabayad sa PCC," wika ng Grab.

vuukle comment

GRAB

PHILIPPINE COMPETITION COMMISSION

PRICE SURGING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with