PCSO nagbigay ng P2.8 milyon tulong sa mga ulila
MANILA, Philippines — Nagbigay ng mahigit sa P2.8 milyon ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga ulila, walang tahanan at inabusong kabataan.
Personal na nagtungo sa Tacloban City si PCSO General Manager Royina M. Garma at ibinigay ang P2,890,500 halaga ng tseke sa tatlong Institutional Partners nito.
Ang Orphanage of the Virgin of Guadalupe Foundation, Inc. sa Sorsogon na nagsisilbing tahanan at nagbibigay ng seguridad, pag-aalaga at suporta sa may 80 ulila na pawang wala nang matutuluyan, ay nabigyan ng PCSO ng P876,000 habang ang SOS Children’s Village Calbayog, Inc. na nagbibigay ng family-like care, youth care at educational support sa may 94 na kabataan ay tumanggap ng P1,029,000.
Samantala, ang Western Samar Development Foundation, Inc. na tumutulong sa may 90 sexually abused children ay tumanggap ng P985,500 sa PCSO.
Sa kasalukuyan, nasa 20 charitable institutions sa buong bansa ang kabilang sa mga sinusuportahan ng PCSO sa ilalim ng naturang programa.
- Latest