2 patay, 18 sugatan kasunod ng North Cotabato quake noong Miyerkules
MANILA, Philippines — Patay ang dalawa katao habang 18 iba pa ang sugatan kasunod ng nangyaring magnitude 6.3 na lindol Miyerkules ng gabi sa Kamindanaoan.
Naitala ang epicenter ng lindol sa Tulunan, North Cotabato bandang 7:37 p.m., ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, na sinundan din ng marami pang aftershocks.
Umabot sa hanggang intensity VII ang lakas nito sa:
- Tulunan, North Cotabato
- M'lang, North Cotabato
- Kidapawan City
Sa seismic scale ng Phivolcs, kinikilala bilang "destructive" o mapaminsala ang Intensity VII.
Pare-parehong nagmula sa Magsaysay, Davao del Sur ang dalawang namatay bunsod ng pagguho ng lupa, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and management Council kaninang alas-sais ng umaga.
Dinala na sa Digos City Provincial Hospital ang 18 katao matapos masaktan buhat ng paglindol sa Magsaysay.
Sa Kidapawan City, tatlo naman ang nasaktan at agad na dinala sa Kidapawan City Hospital.
Anim naman ang sugatan sa Makilala, Cotabato at dinala sa Makilala Medical Hospital.
Pinsala ng lindol
Napinsala naman ang aabot sa 29 imprastruktura mula sa Region XI at Region XII.
Wala pa namang inilalabas na datos kung magkano ang naging damages sa ngayon.
Samantala, tinupok din ng apoy ang Gaisano Mall sa General Santos City kasunod ng lindol.
LOOK | Huge fire hits Gaisano Mall in General Santos City after a Magnitude 6.3 earthquake hit parts of Mindanao on Wednesday evening. (@PhilippineStar/??: Art Louis) pic.twitter.com/BXJzihenWl
— ONE News PH (@onenewsph) October 16, 2019
Ayon sa ilang netizens, tuluyan nang naapula ang apoy ngayong umaga.
Let us thank the fire extinguishers for extinguishing the massive fire at the Gaisano Mall of General Santos City. Pray for General Santos City's Safety. pic.twitter.com/ndpoMrD1MZ
— Kirby Anne Diono Abjelina (@DionoAnne) October 17, 2019
Nawalan naman ng kuryente ng 30 minutos sa General Santos City, Koronadal City, Luntayan at Kidapawan ngunit agad ding naibalik.
- Latest