Intel force ng NCRPO, NBI, PDEA at Philippine Army magbabantay sa Bilibid
MANILA, Philippines — Nagtatag ng Liaison Office ang “Quad Intel-Force” sa New Bilibid Prisons (NBP) upang mabantayan at masugpo ang sinasabing patuloy na operasyon sa iligal na droga ng mga drug lords na nakakulong dito.
Ang Quad Intel-Force na binuo nitong Setyembre ni P/MajGen. Guillermo Eleazar ay binubuo ng mga intel officers buhat sa NCRPO, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine Army-Joint Task Force.
Sinabi ni Eleazar ang paglalagay ng Liaison Office ay bahagi ng marahas na hakbang ng pamahalaan para mahinto ang kultura ng korapsyon sa NBP.
Magsisilbi umano ang Liaison Office na mata at tenga ng Quad-Intel Force sa NBP laban sa mga drug lords at iba pang kriminal na pinuno ng mga sindikato.
Magkakaroon ng palitan ng impormasyon sa pagitan ng Quad-Intel Force at Bureau of Corrections para mapag-isa umano ang kanilang kampanya.
“Hindi dapat nagkakanya-kanya at hindi dapat nagtataguan ng mga impormasyon ang government law enforcement agencies. Dapat whole-government approach tayo at ito ay sa pamamagitan ng pagkakaisa ng lahat ng law enforcement agencies,” ayon pa kay Eleazar.
- Latest