House probe sa lotto
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan sa Kamara ang umanoy posibleng katiwalian sa P8.3 bilyong Philippine Lottery System (PLS) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa inihaing House Resolution 359 ni Ang Probinsyano partylist Rep. Ronnie Ong, nais niya na mabusisi ang mga kontratang pinasok ng PCSO sa Philippine Gaming Management Corporation sa ilalim ng Berjaya Corporation ng Malaysia, gayundin ng Pacific Online Systems Corporation para sa implementasyon ng National Online Lottery System (NOLS).
Bukod dito, kinuwestyon din ni Ong kung bakit hawak ng PGMC/Berjaya at Pacific Online ang Equipment Lease Agreements sa PCSO sa nakalipas na 24 taon sa kabila ng mga iregularidad.
Ayon pa sa Kongresista na vice chairman ng House Committee on Games and Amusements, natukoy nuon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Commitee na umuupa ang PCSO sa PGMC/Berjaya ng equipment o lotto terminals sa halagang $148 milyon (P7.4B) gayung maaari namang makabili nito sa halagang $25 milyon (P1.2B).
- Latest