^

Bansa

Para sa 'demokrasya'? Pagtatanggol ng Palasyo sa martial law binanatan

James Relativo - Philstar.com
Para sa 'demokrasya'? Pagtatanggol ng Palasyo sa martial law binanatan
Linggo kasi nang sabihin ni presidential spokesperson Salvador Panelo na "kasangkapan para panatilihin ang demokrasya" ang batas militar.
Released/People Power Commission

MANILA, Philippines — Kinastigo ng Bayan Muna party-list ngayong Lunes ang pagbibigay katwiran ng Malacañang sa pagpapatupad ng martial law, kahit na kinikilala ng gobyerno na naabuso ito ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Linggo kasi nang sabihin ni presidential spokesperson Salvador Panelo na "kasangkapan para panatilihin ang demokrasya" ang batas militar.

"'Yung mga nagsasabing anti-democratic ang deklarasyon ng martial law, hindi nila alam na ang paglalapat nito ay ginagamit para ipagtanggol ang demokrasya," ani Panelo sa Inggles.

Pero hindi nakumbinsi ni Panelo ang militanteng grupo, na kritiko rin ng martial ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

"Yan din ang sabi ni Marcos noon. Matapos ang libu-libong namatay at inaresto, sinabi ni Ferdinand Marcos na tagapagligtas siya ng demokrasya kahit pinatalsik siya ng taumbayan," sabi ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares.

"'Yan ang matututunan ng mga susunod na nagkukunwaring tagapagtanggol ng demokrasya."

Una nang ibinahagi ng Amnesty International na umabot sa 100,000 katao ang nakaranas ng paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng batas militar ni Marcos.

Si Duterte, na bukas sa kanyang pagsuporta sa mga Marcos, ay nagpapatupad din ng sariling martial law sa buong Mindanao simula pa noong 2017 kasunod ng paglusob ng grupong Maute sa Marawi.

Ayon naman kay Rep. Eufemia Cullamat, kinatawan ng parehong party-list sa Kamara, hindi demokrasya ang panunupil sa mga nananawagan para tunay na pagbabago at pagpapaunlad ng industriya.

"Mukhang kailangan balikan ni Sec. Panelo ang tunay na nangyari sa kasaysayan at kung paano pinatay ng martial law ang demokrasya sa bansa," dagdag ng katutubong solon.

Sa kabila nito, sinabi ni Panelo na hindi naman daw bulag dito ang kasalukuyang administrasyon ni Duterte sa mga pagmamalabis ng gobyerno noon gamit ang diktadura.

"[A]ng pagpapatupad ng martial law at ang mga pang-aabusong idinulot nito, kahit na dinisiplina nito ang taumbayan at napigilan ang pagkalat ng komunistang insurhensya sa bansa, ay gumawa ng malalim na sugat sa isang buong henerasyon," ani ng tagapagsalita ng presidente.

Paliwanag pa niya, tinitignan pa rin ng mga nagbalangkas ng 1987 Constitution na importanteng sandata ito laban sa mga "kalaban ng estado."

Isinailalim ni Marcos ang Pilipinas sa batas militar noong Setyembre 1972 bilang tugon diumano sa rebelyon ng mga komunista.

BASAHIN: Philstar.com NewsLab series on the Martial Law period

Nitong Sabado, sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na mahusay naman ang intensyon nito nang ideklara noon.

"Nakita ko ito mismo sa unang anim na buwan nito, mula sa pananaw ng katahimikan at kaayusan," sabi ng senador.

Pero nang lumaon, hindi na raw ito nakabuti sa bansa: "Namayani ang kasakiman at pang-aabuso."

Matapos ang mahigit 20 taong pamumuno ni Marcos, napatalsik siya ng taumbayan sa pag-aalsang EDSA noong 1986, at napalitan ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Gayunpaman, muling nanumbalik ang mga Marcos sa kapangyarihan: naging kinatawan ng Ilocos Norte at Leyte ang misis ni "Macoy" na si Imelda at naging senador din ang kanyang anak na si Bongbong.

Kasalukuyang senador naman ang anak nilang si Imee.

Sa darating na semestre, ihahain naman ang asignaturang Philippine Studies 21, o Wika, Kultura at Panitikan sa Ilalim ng Batas Militar sa Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

vuukle comment

BAYAN MUNA

DEMOCRACY

DICTATORSHIP

FERDINAND MARCOS

MARTIAL LAW

PANFILO LACSON

SALVADOR PANELO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with