Bakuna vs polio sisimulan sa Okt. 14
MANILA, Philippines — Bilang tugon sa pagbabalik ng polio sa bansa makalipas ang halos 2 dekada, mamamahagi ang gobyerno ng libreng bakuna laban sa naturang sakit para sa mga batang may edad 5 pababa.
Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na magkakasa ang gobyerno ng polio outbreak response sa Metro Manila, Laguna at Mindanao simula Oktubre 14.
“Lahat ng bata na 5 years and below, starting October 14, magbabakuna tayo. Patak lamang ito, walang injection, libre,” ani Domingo.
Sa mga barangay health center maaaring magpabakuna ang mga bata pero magkakaroon din ng pagbabahay-bahay, ayon kay Domingo.
Ang polio ay isang nakahahawang sakit na ang ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pagsusuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa. Maaaring mauwi ito sa pagkaparalisa o pagkamatay ng pasyente.
Mas mataas ang tsansa ng mga bata na magkaroon ng polio kumpara sa mga matatanda, ani Domingo.
Nauna nang ibinunyag ng Department of Health na may mga kumpirmadong kaso ng polio sa Lanao del Sur at Laguna matapos ang 19 taong pagiging polio-free ng Pilipinas.
Nakitaan din ng polio virus ang ilang water sewage samples sa Maynila at Davao.
- Latest