Landslide victims sa Cebu may bago ng bahay - Go
MANILA, Philippines — Pinangunahan nina Pangulong Duterte at Sen. Bong Go ang groundbreaking ceremony ng relocation site para sa mga naging biktima ng 2018 landslide sa Naga City, Cebu kamakalawa.
Aabot sa 192 housing units ang inaasahang itatayo at ipapamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide na nangyari sa Sitios Sindulan III at Tagaytay ng Barangay Tinaan noong September 20, 2018.
Matatandaan na 8,000 indibwal ang naapektuhan ng landslide na dulot ng bagyong Ompong at ikinamatay ng mahigit 70 katao.
“This event is a fulfillment of our promise to provide an affordable and sustainable resettlement site for the victims,” ang sabi ni Pangulong Duterte.
Ayon sa Pangulo, ang beneficiaries ng pabahay ay hindi kinakailangang magbayad sa housing units.
“I order the National Housing Authority to give as a gift the housing units in the Naga permanent housing project. All of these, the house and the lot, will be given to you for free,” sabi pa ng Pangulo.
Ang landslide victims ay kinailangang i-relocate sa dalawang ektaryang bahagi ng Balili property sa Barangay Tinaan dahil ang kanilang orihinal na kinatitirikan ay idineklarang hindi na ligtas. Ang nasabing lupa ay donasyon ng Cebu provincial government sa Naga City.
Naghain na si Sen. Go ng Senate Bill No. 203 o panukalang National Housing Development, Production and Financing Act of 2019 na layong mabigyan ng abot-kaya, accessible at dekalidad na pabahay ang mahihirap.
“Dapat sa susunod na mga taon, wala nang squatter sa sariling bayan. This measure aims to address the 6.5-M housing gap over the period of 20 years,” ani Go.
- Latest