7 suspek sa Chiong sisters rape-slay, makikinabang sa GCTA-DOJ
MANILA, Philippines — Maaaring makinabang din sa ‘good conduct time allowance’ (GCTA) si Francisco Juan “Paco” Larrañaga at anim pang nakulong sa pagdukot at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu noong 1997.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra dahil nananatili pa rin sa ilalim ng kustodiya ng Pilipinas ang pagkakakulong ni Larrañaga sa Spain.
Si Larrañaga ay kasalukuyang nakapiit sa Spain sa pamamagitan ng Transfer of Sentence Agreement dahil sa kanyang dual citizenship.
“Yung pinag-uusapan ay kung saan mai-imprison yung person. So, in this case meron tayong agreement with Spain kaya doon s’ya pero yung substantive law that will govern is still the Philippine law. So, in my opinion, he will still benefit (from the increased GCTA) because he was tried, prosecuted and sentenced under Philippine laws,” ani Guevarra.
Paliwanag ni Guevarra, hangga’t eligible ang isang preso sa ipinatutupad na batas, maaari itong makinabang.
Aniya, hindi mahalaga kung ang inmate ay isang high profile o hindi hanggat kuwalipikado sila, sisiyasatin ang kanilang GCTAs.
- Latest