^

Bansa

Anti-subversion law revival 'throwback sa martial law' — Bayan Muna

James Relativo - Philstar.com
Anti-subversion law revival 'throwback sa martial law' � Bayan Muna
Hindi rin pabor dito sina Justice Secretary Menardo Guevarra, Sen. Panfilo Lacson at Sen. Franklin Drilon.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Pinalagan ng mga militanteng grupo't senador ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government na maipanumbalik ang "anti-subversion law," batas na nagbabawal sa pagsali sa Communist Party of the Philippines at pagdalo sa mga pulong at aktibidad para sa pagpapatalsik ng gobyerno.

Sinabi ito ni Eduardo Año, kalihim ng DILG, sa gitna ng reklamo ng ilang magulang sa pagsali ng kanilang mga anak sa mga maka-Kaliwang organisasyon. Nagre-recruit daw kasi ang mga nasabing grupo para mag-rebelde laban sa gobyerno.

Pero hindi naman ikinatuwa ng ilan ang nasabing proposal.

Ayon sa grupong Bayan Muna, "throwback" sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang mangyayari oras na maipatupad nito na magbubunsod ng sari-saring human rights violations.

"Magkakaroon na naman ng maramihang hulihan, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at mapupuno na naman ang nga kulungan ng mga inosenteng mga mamamayan, lalo na ngayon na nalalantad na ang kabulukan at kapalpakan ng administrasyong Duterte," wika ni Bayan Muna Carlos Zarate Martes.

Aniya, ginagawa lang daw ito ng gobyerno upang patahimikin ang mga kritiko, lalo na't "namumulat na ang mga tao."

Paliwanag ni Zarate, isang abogado, anti-demokratiko ang nais ni Año pagka't pipigilan daw nito ang "freedom of association," "freedom of expression" at "freedom of assembly" ng mamamayan.

Pag-repeal sa batas

Matatandaang naibasura ang anti-subversion law taong 1992 kung kaya't hindi na krimen ang akto ng pagsali sa anumang grupong pulitikal, anuman ang ideolohiya nito — kabilang ang CPP.

Gayunpaman, krimen pa rin ang akto ng rebelyon kung saan aktibong nag-aarmas at lumalaban sa mga pwersa ng gobyerno ang tao, kung kaya't iligal pa rin ang armed wing ng CPP na New People's Army.

Ayon sa intelligence reports na iprinesenta ni Año, umaabot daw sa 500 hanggang 1,000 kabataan ang "nai-indoctrinate" ng CPP-NPA taun-taon para maging "fighter" o maging lider estudyante.

Aniya, hindi raw lumalakas ang kilusang komunista sa Estados Unidos dahil hindi ni-repeal ng nasabing bansa ang kanilang Communist Control Act of 1954.

Una nang inalmahan ng League of Filipino Students, Kabataan party-list at iba pang progresibong grupo ang paratang at suwestyon nina Sen. Ronald dela Rosa lalo na't lehitimong isyu ng mamamayan naman daw ang kanilang bitbit.

"We call for Sen. Dela Rosa along with the PNP and AFP to end to such defamatory activities that discredit the legitimate advocacies and demands of the youth, and furthermore put the youth's lives in danger," ayon sa Kabataan.

DOJ, Drilon at Lacson ayaw din maibalik ito

Samantala, hindi rin sumang-ayon sa nais ng DILG ang ilan pang opisyal ng gobyerno.

Ayon sa Department of Justice, sapat na ang pag-aamyenda sa Human Security Act upang masawata ang terorismo sa bansa.

"[M]ere membership in the [Communist Party of the Philippines] (subversion) is not a crime unless overt criminal acts are committed," ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.

Ayon naman kay Sen. Ping Lacson, dating hepe ng Philippine National Police, hindi niya susuportahan ang panukala dahil maraming matatapakang karapatang pulitikal.

Mas mainam daw na maipatupad na lang ang anti-terrorism bill upang maresolba ang isyu ng pagre-rekluta sa mga menor de edad sa mga "teroristang grupo."

"I’m not inclined to support it, ang criminalize mo uli [ang subversion]. It encroaches on the fundamental right to a peaceful assembly, to protest. I don’t think I will support that," sabi ni Lacson sa ulat ng PNA.

"Kung magjo-join lang naman sa organizations like Kabataan party-list or Anakbayan, I don’t see any problem with that. Except of course that they are also violating the law for recruiting minors."

Sa kabila nito, walang batas na nagsasabing bawal sumali ng organisasyon ang mga batang wala pang 18 taong gulang.

Kapareho naman ang naging tono ni Senate minority leader Franklin Drilon.

"The anti-subversion law was 'buried' a long time ago for it was proven that such a policy, aside from being prone to abuse and a tool to harass, undermined some of our basic Constitutional rights," wika ni Drilon.

Ayon din daw sa Article 2, Section 4 ng 1987 Constitution, walang batas na maaaring maipasa na maaaring lumabag sa kalayaan sa pamamahayag, pagpapahiwatig, pagproprotesta at pagtutol sa pamahalaan.

PNP pabor sa suwestyon

Kanina, sinabi naman ng Philippine National Police na gusto nila ang nais ng DILG.

"Kung sa amin, we support the good secretary... But then again, that needs several studies pa, 'yang anti-subversion law," ayon kay PNP chief Police General Oscar Albayalde.

Aniya, hindi naman daw problema ang aktibismo ngunit ibang usapin na kung sedisyon na ang ginagawa ng kabataan.

"Mura ang kanilang pag-iisip, madali silang maloko. 'Pag naloko sila, na-radicalize ang utak nila, later on nasa bundok na sila, armado na sila," dagdag ni Albayalde.

Dapat din daw ay kundenahin ng mga militante ang mga ginagawa ng NPA.

"We are open to engage these children, these teenagers. We are offering... to go to the different universities."

vuukle comment

ACTIVISM

ANTI-SUBVERSION LAW

BAYAN MUNA

DEPARTMENT OF JUSTICE

FRANKLIN DRILON

MARTIAL LAW

PANFILO LACSON

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with