Digong kinansela ang Cabinet meeting sa China ‘hit and run’
MANILA, Philippines — Kinansela ni Pangulong Duterte ang nakatakda sanang special Cabinet meeting ngayong araw ukol sa kontrobersiyal na “hit and run” incident sa pagitan ng mga Pinoy at Chinese vessel sa Recto Bank ng West Philippine Sea.
Nauna nang kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magkakaroon ng Cabinet meeting kasama si Pangulong Duterte sa Lunes.
Pero sa huling pahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ay hindi na ito matutuloy.
Agad namang nilinaw ng Malacañang na hindi special cabinet meeting ang ipinatawag ng Pangulo kundi cluster meeting ng security at economic managers.
Wika ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, ang security, justice at peace cluster sa ilalim ni Sec. Lorenzana at economic cluster sa pamumuno ni Finance Sec. Carlos Dominguez lll ang magpupulong at hindi kasama ang Pangulo.
Sabi pa ni Nograles, posibleng kasama sa tatalakayin ang nangyari sa mga mangingisda sa Recto bank upang magkaroon ng kalinawan dito.
Maaalalang noong nakaraang Linggo ay nalagay sa peligro ang buhay ng nasa 22 mangingisdang Pinoy matapos silang bundulin ng isang Chinese vessel habang nakaangkla ang kanilang bangka sa karagatan.
Nabatid na naghain na ng diplomatic protest si Foreign Affairs Sec. Locsin laban sa China bunsod ng insidente.
- Latest