Mga botanteng nagluklok ng narco politicians ‘di pa mature - DILG
MANILA, Philippines — Hindi pa raw mature ang mga botanteng nagluklok sa mga narco politicians sa nakalipas na midterm election sa bansa.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, posibleng may utang na loob ang mga botante sa mga naturang politiko kaya’t kahit na alam nilang kasama ang mga ito sa narco list ng pamahalaan ay ito pa rin ang ibinoto nila.
Posible rin naman aniyang wala lang talagang pakialam ang botante kung nasa narcolist ang kandidato dahil nabili na ng mga ito ang kanilang mga boto.
Nilinaw naman ni Año na ang pagkapanalo ng mga narco politicians sa eleksiyon ay hindi garantiya na makaliligtas na ang mga ito sa kanilang isasagawang imbestigasyon kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nila sa iligal na droga.
Sa 46 politiko na kasama sa narcolist na inianunsiyo ni Pangulong Duterte noong Marso, 37 ang tumakbo sa eleksiyon at 27 sa mga ito ang nanalo.
Iginagalang at kinikilala naman ni Año ang desisyon ng mga botante na ihalal sa pwesto ang ilang re-electionists na kasama sa narco list ni Duterte.
Ayon kay Año, nagsalita na ang mga mamamayan noong eleksyon at dapat na igalang at kilalanin ang naging desisyon nila.
- Latest