Proklamasyon ng mga nanalong senador ikinasa
MANILA, Philippines — Kasado na ngayong araw ang proklamasyon ng 12 nanalong senador sa halalan noong Mayo 13.
Ayon kay Director James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections, hapon nila itinakda ang proklamasyon para sa mga senador dahil sa umaga naman ang proklamasyon ng mga nanalong partylist organizations.
Gayuman inamin ng Comelec na inaasahan pa nila ang posibleng pagbabago lalo pa’t umaabot sa 1,050,681 boto ang magmumula sa Isabela. Maaari pa kasi itong makaapekto sa boto ng nasa pang-12 at pang-13 puwesto.
Inaasahang matatapos na ng National Board of Canvassers o NBOC ngayong araw ang canvassing ng mga boto para sa 2019 midterm elections. Mula sa 167 Certificates of Canvass o COC, 162 na ang nabilang ng NBOC.
Hinihintay pa ng Comelec ang nalalabing 1, 683, 938 votes mula sa lalawigan ng Isabela; Washington, New York, San Francisco at Los Angeles sa United States; Osaka at Tokyo, Japan; Riyadh, Al-Khobar at Jeddah, Saudi Arabia at Abuja, Nigeria.
Kaugnay nito, nangunguna pa rin sa bilangan si Re-electionist Senators Cynthia Villar, Grace Poe, Bong Go, Pia Cayetano, Ronald “Bato” Dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid; Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimentel, Bong Revilla, Nancy Binay habang pang-13 si JV Ejercito na sinundan ni Bam Aquino at Jinggoy Estrada.
Samantala, sinabi ni Jimenez na inaasahan nilang dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa proclamation ng mga winning senatorial candidates.
Kailangan din ang paghahanda dahil mayroong mga security at security protocol na dapat na ipatupad sakaling dumalo si Pangulong Duterte.
- Latest