Status quo sa liderato ng Senado
MANILA, Philippines — Nagkasundo ang mayorya ng mga senador na magkaroon ng “status quo” o hindi magkakaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado sa pagpasok ng 18th Congress sa Hulyo.
Mananatili sa puwesto sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Sinabi ni Recto, pagkatapos ng caucus ng mga senador kahapon na 99.99 porsiyento na hindi mapapalitan si Sotto.
Aabot din sa 20 ang miyembro ng mayorya sa 18th Congress samantalang apat lamang ang sa minorya na kabibilangan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan III, Leila de Lima at Risa Hontiveros.
Inaasahan naman ang muling pagbabalik sa Senado nina Senators Grace Poe, Cynthia Villar, Sonny Angara, Nancy Binay, at Aquilino Pimentel III. Tanging si Senator JV Ejercito ang hindi makakabalik sa mga kumandidatong senador.
Mapapasama rin sa mayorya sina presumptive senators Bong Go, Francis Tolentino, Ronaldo “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, Pia Cayetano at Lito Lapid.
Kinumpirma ni Zubiri sa isang hiwalay na panayam na hindi magkakaroon ng pagbabago sa lider ng Senado kahit pa may mga bagong papasok na senador.
- Latest