Duterte at Misuari muling magpupulong
MANILA, Philippines — Muling magpupulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari patungkol sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Inamin din ni Pangulong Duterte na pinayagan niyang umalis ng bansa si Misuari matapos maglagak ito ng piyansa sa Sandiganbayan upang dumalo sa isang pulong ng Organization of Islamic Countries (OIC).
“Hindi naman tatakas ‘yan. I am sure Misuari does not want to die away from his native land,” paniniguro pa ng Pangulo sa mensahe nito sa Isabela City, Basilan kamakalawa ng gabi.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi pagmamando ang ginawa ni Pangulong Duterte sa korte nang sabihin nito kamakailan sa kanyang talumpati na tumawag siya sa hukuman para pahintulutan nito si Misuari na makalabas ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang arrangement at walang tawag na ginawa ang Presidente sa kaninumang hukom.
Wika pa ni Sec. Panelo, inilahad lang ng Pangulo sa talumpati nito ang kanyang posisyon partikular sa kung ano ang kabutihan kung mapapayagang makalabas ng Pilipinas si Misuari na wala aniyang dudang babalik din ng bansa.
- Latest