^

Bansa

ARMM ipinaubaya na sa Bangsamoro Transition Authority

Philstar.com
ARMM ipinaubaya na sa Bangsamoro Transition Authority
Ang paglilipat ng ARMM kay Al Hajj Murad Ebrahim, interim chief minister ng BTA, ay magsisilbing panimulang hakbang para mapalitan ito ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
The STAR/John Unson

MANILA, Philippines — Sa isang emosyonal na pagtitipon, ipinaubaya na ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Gov. Mujiv Hataman ang gobyerno ng ARMM sa Bangsamoro Transition Authority nitong Miyerkules.

Ang paglilipat ng ARMM kay Al Hajj Murad Ebrahim, interim chief minister ng BTA, ay magsisilbing panimulang hakbang para mapalitan ito ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kumpiyansa si Hataman na magdadala ng pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ang BARMM sa mga teritoryo nito. Kasama rito ang lahat ng limang probinsya ng ARMM.

"Magsama-sama tayo, iwaksi ang tribalismo, hayaan ang mga Yakan, Maguindanaons, Meranaos, Tausug, Samah at mga Lumad na magkaisa sa ilalim ng gobyernong Bangsamoro," sabi ni Hataman sa Ingles.

Sinundan naman ng "Allahu Akbar" ang talumpati ni Hataman ng mga miyembro ng BTA na nanumpa kay Pangulong Rodrigo Duterte para manungkulan nitong Biyernes.

Magiging kabahagi rin ng BARMM ang Cotabato City na dating parte ng Region 12. Ito ang magsisilbing kabisera ng Bangsamoro regional capital.

Ikinampanya nang husto nina Hataman ang ratipikasyon ng Republic Act 11054, ang charter ng BARMM, sa isang plebisito noong ika-21 ng Enero.

Ginanap ang plebisito sa component-provinces ng ARMM, Maguindanao at Lanao del Sur kasama ang Cotabato City at mga isla ng Basilan, Sulu, Tawi-tawi.

Sa ika-30 ng Hunyo pa magtatapos ang ikalawang termino bilang gobernador ni Hataman ngunit nagdesisyong huwag umanib sa transitory bloc na pinamumunuan ni Ebrahim upang makabalik sa kanyang probinsya ng Basilan. 

Aniya, pagtutuunan niya ng pansin ang local humanitarian at security programs para makatulong sa pagsisiguro ng kapayapaan sa probinsya.

Transition rites sa ARMM complex

Ang BARMM ay produkto ng 22 taon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front na pinamumunuan ni Ebrahim.

Ginanap ang transition rites sa 300-seat Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa loob ng 33-ektaryang ARMM regional capitol sa Cotabato City.

Pinangasiwaan ni Presidential Peace Advisr Carlito Galvez Jr. ang pagtitipon.

Pinapurihan naman ni Galvez si Hataman para sa kanyang pamumuno, mga proyektong pangimprastruktura at sosyo-ekonomiko habang nakaupo sa ARMM.

Dinaluhan ang turnover ng ARMM sa MILF-led BTA ng mga miyembro ng regional Cabinet ni Hataman at nina Lt. Gen. Arnel dela Vega ng Western Mindanao Command at Major Gen. Cirilito Sobejana na commander ng 6th Infrantry Division ng Army.

Sinabi naman ni Ebrahim na magbibigay diin ang BARMM interim parliament sa mga mahahalagang isyu sa loob ng teritoryo nito. Kabilang dito ang edukasyon, kahirapan at korapsyon sa burukrasya.

Io-oversee naman daw ni Ebrahim ang public works ministry ng BARMM.

"Magiging responsibilidad ko na pamunuan ang isang gobyernong may matuwid na moralidad," sabi ng lider ng MILF.

Nanumpa na rin daw ang mga miyembro ng BARMM interim parliament sa Qur'an para iwaksi ang korapsyon at tribalismo sa paghawak ng mga ministry at panunungkulan bilang BTA officials.

Halalan sa 2022

Magsisilbing "caretaker" ang BTA ng BARMM habang hindi pa nahahalal ang mga unang opisyal nito sa 2022.

Isang grupo naman ng mga aral na Muslim leaders ang nagsabi na nakasalalay ang tagumpay at kabiguan ng BTA sa kung paano hahawakan ng mga bagong lider Moro ang mga gusot sa pagitan ng mga tribo at mga katiwaliang dating ginagawa ng mga "trapo" sa ARMM.

"Kapatid na Ustadz. 100 porsyento tama ka na dapat maging prayoridad ang kapayapaan at pagkakaisa ngunit ang mga tiwaling gawi at iba pang kriminal na gawain na ng mga tradisyunal na pulitiko ay kailangang pagtuunan ng pansin para mabigyang kahulugan ang mga pagsisikap natin sa maayos na pamamahala," apela ng grupo kay Ebrahim.

"Hindi magiging madaling pagkaisahin ang mga tribong ito ng BTA. Umaasa kaming kaya itong gawin sa loob ng tatlong taon," wika ng isang Muslim scholar.

Tinukoy naman niya ang deka-dekada nang sigalot sa pagitan ng mga Maranao at Tausug.

Aniya, tinitignan ng mga Maranao ang kanilang sarili bilang mga dugong bughaw habang kilalang madirigma naman ang mga Tausug.

Marami sa mga Tausug ang miyembro ng Moro National Liberation Front, grupong pinamumunuan ng dating ARMM governor na si Nur Misuari. Sa kabilang banda naman, marami sa mga MILF ang Maguindanaon at Maranao.

"Matindi ang away sa pagitan ng dalawang grupong Muslim, at para magtagumpay ang BARMM kailangang maayos 'yan ng BTA team," sabi ng scholar.

vuukle comment

BANGSAMORO AUTONOMOUS REGION IN MUSLIM MINDANAO

MORO ISLAMIC LIBERATION FRONT

MORO NATIONAL LIBERATION FRONT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with