Harry Roque atras na sa pagtakbo bilang senador
MANILA, Philippines — Umatras na sa pagtakbo bilang senador si dating Presidential spokesman Harry Roque.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang naging dahilan ni Roque upang mag-withdraw ito sa senatorial race.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesman Jame Jimenez, natanggap na ng Law department ng poll body ang statement of withdrawal ni Roque bilang kandidato sa pagka-senador.
Nakasaad dito na sumailalim siya sa isang medical procedure nitong Lunes matapos madiskubre na mayroon siyang angina coronary disease, o kakulangan sa oxygen sa puso na maaaring magdulot ng atake.
Ayon kay Jimenez, kapag nakumpleto na ang procedural requirements ng withdrawal ni Roque, saka lang tatanggalin ang pangalan nito sa balota.
Sinabi ni Roque na tingin daw ng kaniyang doktor ay mas mainam na magpagaling na muna siya bago sumabak sa pangangampanya.
Sa isa namang pahayag nagpasalamat si Roque sa mga sumuporta sa kaniyang pangangandidato.
Matatandaang nag-alangan si Roque sa kaniyang pagtakbo matapos sabihin ni Pangulong Duterte na wala siyang tsansang manalo.
Si Roque ay kumandidato sa ilalim ng People’s Reform Party (PRP), na dating partido ng namayapang senador na si Miriam Defensor-Santiago.
- Latest