^

Bansa

1-year Martial Law pa pinagtibay ng Kongreso

Malou Escudero, Gemma Garcia - Pilipino Star Ngayon
1-year Martial Law pa pinagtibay ng Kongreso
Sina Senate President Tito Sotto at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa ginanap na nominal voting ng Kongreso para sa 1-year extension ng Martial Law sa Mindanao.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Sa ikatlong pagkakataon, inaprubahan ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Duterte na mu­ling palawigin ang Martial Law at suspension ng privelege of habeas corpus sa Mindanao.

Sa botong 235-Yes, 28-No at 1-Abstain ay pu­mayag ang mga Senador at Kongresista na palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao mula Enero 1, 2019 hanggang Disyembre 31, 2019.

Sa kanyang statement sa pasimula ng joint session, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na kailangan pa rin ang martial law at suspension of the privilege of the writ of heabeas corpus dahil “hot bed” pa rin ngayon ng mga komunista ang Mindanao bukod pa ang presensiya ng mga terorista.

Dapat din uma­nong  maranasan ng mga taga Mindanao ang seguridad na nararamdaman ng mga taga malayo dito.

Sinabi naman ng bagong talagang AFP Chief of Staff Lt. General Benjamin Madrigal Jr. na mayroong nasa mahi­git 2,400 na kalaban ng estado sa Mindanao sa ngayon.

Kabilang na rito ang Abu Sayaff, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter, Daulhah Islamia at New People’s Army.

Nangako naman si Medialdea na pananatilihin ang disiplina, pagsunod sa rule of law at walang pang-aabuso sakaling pahintulutan ng Kongreso ang martial law extension.

Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Pangu­lo lamang ang may ka­pangyarihang magdeklara ng Batas Militar at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa anumang panig ng bansa.

Maaari naman itong i-revoke ng Kongreso sa isang joint session sa pamamagitan ng majority, voting jointly.

Magugunitang idinek­lara ni Pangulong Duterte ang martial law at suspension of the privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao noong Pebrero ng 2017 dahil sa pagsa­lakay ng Maute-ISIS terror group sa Marawi City.

Nagpasalamat naman ang Malacañang sa pagpabor ng Kongreso sa kahilingan ni Pangulong Duterte na palawigin muli ng isa pang taon ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.

Nilinaw naman ng Ehekutibo na walang budget allocation sa 2019 national budget para sa martial law extension. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)

vuukle comment

MARTIAL LAW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with